City News

Health Workers sa Puerto Princesa City, nag-aalangan din magpabakuna kontra COVID-19

By Angelene Low

February 10, 2021

Maliban sa mga mamamayan, nag-aalinlangan din ang mga health workers sa Puerto Princesa na magpabakuna kontra COVID-19. Ito ang napag-alaman ng City Government sa isinagawang orientation noong Pebrero 4, 2021.

“Marami talaga yan. Actually, kahit sa mga health workers. Kanina doon sa forum naming mga healthworkers sa [City] Coliseum, walang halos yung sabing ‘oo papabakuna ako’ yun bang diretso. Iilan lang siya so yun yung kailangan [i-target] natin.” Ayon kay Dr. Ricardo Panganiban, City Health Officer at Chairman ng Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council.

Ito rin umano ang nakikitang problema ng Department of Health (DOH) MIMAROPA lalo na’t ang target na mabakunahan sa buong Pilipinas ay nasa 70% ng populasyon kaya’t gumagawa na umano ng paraan ang kanilang tanggapan upang bumaba ang mga bilang ng mga taong hindi magpapabakuna.

“Talagang malaking balakid sa atin. Gusto naming [o] ang aming objective is mapababa ang yung mga vaccine hesitancy o vaccine deferrals to less than 10%. So, nakikipag-ugnayan na po kami sa iba’t ibang sector at sa ating government agencies as well kagaya ng PIA sa ating mga regional offices sa MIMAROPA.” Ayon kay Dr. Mario Baquilod, Officer in Charge (OIC) Director ng Region IV DOH MIMAROPA.

“Nagsulat na po kami sa ating mga local chief executives at saka sa mga private sectors na tulungan po kami na magkumbinsi. Naka-develop na rin po kami ng mga video [at orientation para] magkaroon sila ng pagkakataon magsalita para yung kanilang mga constituents makumbinsi magpabakuna.”

“Continuous yung ating information dissemination. Nagtutulong-tulong po tayo para maging successful itong ating vaccination program.”

Ayon naman kay Gelyn Belgos, isang Barangay Health Worker sa Barangay Sicsican, kung makakabuti naman ito sa kalusugan ay hindi ito mag-aalinlangan magpabakuna.

“Hindi pa ako nakaka-decide kung magpapabakuna ako pero kung andiyan na, go na lang. Kung maganda naman ang impact sa mga tao, ba’t hindi diba? Kung yun naman ang [maganda] sa atin katawan para hindi [tayo magkaroon o mahawaan] ng virus, ba’t hindi?”

Samantala, inaasahang magsisimula ang information dissemination ng COVID-19 vaccine sa mga barangay sa Puerto Princesa ngayong buwan ng Pebrero at tuloy-tuloy umano ito kahit dumating na ang mga bakuna.