City News

Huling linggo ng voters’ registration, dinadagsa

By Marcelo Ygloria

October 26, 2021

Patuloy na dinadagsa ng mga nais humabol magparehistro ang huling linggo ng voters’ registration sa Puerto Princesa City.

Kagabi pa lang, Oktubre 25,  ay marami na ang nakapila  sa isang shopping mall sa lungsod kung saan ginaganap ang voters’ registration.

Sinubukan silang  pakiusapan  ng mga pulis mula sa Puerto Princesa City Police Office na umuwi na matapos dumagsa sa harap ng mall dahil sa ipinatutupad na curfew mula alas-9 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga subalit nagmatigas ang mga ito na umalis sa kanilang pila para hindi masingitan ng iba.

Ayon sa mga residente, nais nilang makalahok sa 2022 National and Local Elections dahil karapatan nilang makaboto at kung aalis sila sa pila ay maaaring hindi sila makakuha ng number at maabutan ng cut off.

Sa isang pahayag sinabi ni City Comelec Officer Atty. Juliues N. Cuevas,l na bahala na ang mga pulis na magpauwi sa mga ito.

Samantala, nagpasalamat naman ang ilan  dahil matapos ang  mahabang oras ng paghihintay ay nakapagparehistro na sila.

“Survive din ang 17hrs na pila [sa] Comelec,” ayon kay Manang Liza.

Sa Sabado na ang huling araw ng pinalawig na voters’ registration.