Binisita ng city councilors kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang napag-uusapang illegal quarry operations sa kilometer 35 papuntang Barangay Napsan at Barangay Bagumbayan.
Pagdating sa lugar nadatnan ng grupo ang isang truck at backhoe na kasalukyang nagsasagawa pa ng paghahakot ng lupa.
Nang komprontahin ni Konsehal Jimmy Carbonel ang mga operator nito, napag- alamang aabot na sa 625 na truck ng lupa ang nahakot mula sa lugar. Wala din silang maipakitang papeles.
Maging si PENRO Felizardo Cayatoc ay nadismaya rin sa kanyang nakita, kaya nais nya ngayong magkaroon ng kopya ng plano ng sinasabing rehabilitation sa lugar upang malaman kung hanggang saan lang dapat ang nasabing operasyon.
Ayon kay Konsehal Carbonel hindi dapat umabot pa sa pagbubungkal ng lupa sa taas ng bundok dahil malayo na ito sa kalsada at malayong magkaroon ng sinasabing soil erosion.
Makikita sa lugar ang lawak ng pinsala mula sa mga naghahakot ng lupa ganun din ang mga punong naputol at nagsipagtumbahan. Kaya naman sa Biyernes, nakatakdang magbigay ng formal na assessment at recommendation ang mga ahensyang nakasama sa ocular inspection upang isama naman ng Sanggunian sa ibibigay ng sulat sa punong lungsod.
Matatandaang ilang beses nang pinag-uusapan sa konseho ang nasabing quarry operation sa lugar.
Discussion about this post