Ikinagulat ng pamunuan ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) nang tumambad sa kanila ang mga pinutol na puno ng Ipil at Kamagong sa lupain na kanilang nasasakupan sa Sitio Pulang Lupa, Km. 32, Brgy. Montible, Puerto Princesa City noong Martes, Enero 19, 2021.
Ayon kay Corrections Technical Officer II (CTTO2) Levi Evangelista, tagapagsalita ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF), noong Martes ay nagsagawa sila ng operation upang inspeksyunin ang mga lupain na nasasakupan ng IPPF dahil may mga iligal na pumuwesto sa kanilang lugar ngunit iba umano ang tumambad sakanila.
“Nagkaroon tayo ng operation diyan nung Tuesday, ayon na rin sa direktiba na ibinaba ni Superintendent Raul Levita, para po inspeksyunin and nagkakaroon po kasi tayo diyan ng monitoring. Una sa anti-squatting diyan sa area ng Sitio Pulang Lupa. At tinitignan namin kung nadadagdagan ba yung pagtatayo ng bahay at nadiskubre po namin sa di kalayuang lugar ay may umuusok doon lang banda sa may kabahayan na kinatatayuan natin, at tiningnan natin ito at ayon po pinasok ng ating mga kasamahan at tumambad na po doon yung mga iligal na gawain na pagpuputol ng mga malalaking puno mga virgin forest ito eh na talagang kahoy gubat kung tatawagin.”
Dagdag pa ni Evangelista, mahigit siyam (9) na ulingan pa ang bumungad din sa kanila at may ilan pang nakasalang.
“Ilang planta ng ulingan ang ating nakita doon, halos nasa siyam (9) at ang ginagawa nila, ay pag natapos na o naubos na yung mga kahoy na inuling ay lilipat nanaman. At kasalukuyan may umuusok pa at ito na ang naging hudyat na check-upin kung ano ba yung ano ba yung umuusok na iyon. Mayroon parin tayo nakita doon bukod sa nakasalang pa yung kahoy, ay mayroong, malaking stock pile ng kahoy, sari-saring kahoy na ayon din sa aming mga kasamahan ay mayroong kamagong at ipil na putol putol at more or less nasa 10 hectares yung ini-estima natin doon na damage nila.”
Samantala naaktuhan pa umano sa mismong lugar ng mga kawani ng Iwahig Prison ngunit agarang naka puslit ang mga ito at naiwan ang ilang mga kagamitan na ginagamit sa pag uuling maging ang kanilang mga ID at kasalukuyang nasa kustodiya na ito ng IPPF para sa agarang imbestigasyon.