City News

Kap. Abad, itinangging tumanggap ng pera sa GSMAXX Construction

By Gilbert Basio

February 03, 2021

Pinabulaanan ni Kapitan Gerry Abad ng Barangay Mandaragat ang paratang na tumanggap ito ng pera mula kay Sammy James Sioson, Presidente ng GSMAXX Construction base sa larawan na ipinost nito sa social media noong nakaraang taon.

Aniya, nagpakuha lamang ito ng larawan kasama si Sionson hawak ang pera na ipamimigay sa mga kabataan at hindi umano ito napunta sa kanyang bulsa.

“Noong December 27, hindi ko naman sukat akalain na may mga caption ako doon na ‘surprise’ dahil pumunta ako ng kanyang opisina eh di ko alam na ito palang si GSMAXX, yung president si Mr. Sioson, namimigay pala ng pera at nakahanda para doon sa mga kabataan na gusto nya regaluhan. So habang nandoon kami, nagbibiruan, nagku-kwentuhan. So sabi ko sa kanya, ‘Sir puwede po ba pa-picture naman, remembrance lang, walang malisya.’ Hinawakan ko yung halagang 5 thousand pesos nandoon sa kanyang tabi. Okay naman sa kanya sabi nya, ‘Okay walang problema yan.’ Sabi ko kung puwede i-post ito, kaya nga ipinost ko dahil may clearance naman sa kanya. Kaya post ko ganung caption,”

Nanindigan ang kapitan na walang katutuhanan na nabayaran sya ng kompanya dahil wala namang proyekto ito sa kanyang Barangay.

“Para ano, patusin ko ang 5,000 pesos, para saan? Kung sasabihin na bribe sa akin yun, bakit ako i-bribe ng GSMAXX? Mayroon bang proyekto si GSMAXX sa Barangay Mandaragat na para ako ay kanyang bigyan, bayaran o so whatever? So wala akong nakikitang ganun eh na para maging ma-inflict ako doon sa imbestigasyon na ginagawa ng Sangguniang Panlungsod,”

Hinamon din nito ang mga lokal na mambabatas sa lungsod na busisiin ang mga palpak na proyekto at yung ilang matataas na opisyal na posibleng kumikita rito ng malaki.

“Kung mayroon man sila dapat na gustong alamin sa GSMAXX eh doon sa mga proyekto na nakuha ng GSMAXX kung may mga palpak na nagawa ang GSMAXX, yun ang hagilapin nila. Pero kung tungkol sa post na yun, eh parang doon na nakatoon yung issue eh. Samantalang ang daming problema na kinakaharap ng Pamahalaang Panlungsod, ng siyudad natin sa iba pang mga kontraktor na palpak na gumawa ng mga proekto ng siyudad, na dapat yun ang imbestigahan,”

“May malalaking pang tao kung tutuusin eh baka daang libo [o] milyon dapat ang dapat ma-imbestigahan ng Sangguniang Panlungsod yun ang saliksikin nila. Yung gumagawa ng ganung klase ng pagtanggap ng monetary kung mayron man,”

Malinis din umano ang layunin ng kapitan sa pag-post nito dahil alam umano nya na talagang mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggap ng pera sa kanino man lalo na’t kawani sila ng gobyerno.

“Alam naman natin, nakasaad naman doon sa Civil Service Code na any official, any employee ng government ay hindi dapat tumanggap ng monetary, donation, gift o so whatever. Pero yun ay in good faith wala akong iniisip na masama roon, hindi ko naman tinanggap ang pera, picture at sinabi natin sa caption doon dahil Disyembre yun parang yun nalang din naging daan ko sa caption.”