Pinitpit ng pison kaninang umaga ang mga nakumpiska ng City Anti-Crime Task Force na maiingay na tambutso ng motorsiklo sa City hall habang nakamasid si Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron.
Ayon kay City Anti-Crime Task Force Head at City Information Officer Richard Ligad, ang ginawa nilang pagpison sa mga maiingay na muffler ay sumisimbolo na hindi ito welcome sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Sinabi pa ni Ligad na dapat laging tandaan na may mga tamang lugar na maaring gamitin ang open pipe tulad na lamang sa race track kung nais magkarera at hindi iikot-ikot sa kalsada ng syudad dahil kung magsasabay-sabay ang mga nagmomotorsiklo na naka-open pipe ay malaki ang ambag sa noisy pollution.
Sa kabuuan ay umabot sa 945 muffler ang nakumpiska habang natikitan ang mga may ari ng motorsiklo.
Batay sa City Ordinances 819 at 821 ang mga motoristang mahuhuling gumagamit ng open pipe na tambutso at modified muffler ay magmumulta ng P2500 sa unang paglabag,3500 pesos at pagkumpiska ng sasakyan sa ikalawang paglabag at P5,000 at impoundment sa ikatlong paglabag.
Iginiit naman ni Ligad na magpapatuloy pa ang kanilang operasyon laban sa mga maiingay na tambutso at ngayon ay kaniyang pinaparebyu sa isang abogado ang umiiral na ordinansa para malaman kung hanggang saan ang maaaring parusahan nito at kung maaari bang maparusahan ang mga nagbebenta nito.