City News

Konsehal Damasco, nais isulong ang pagpapatayo ng gasoline station sa lungsod

By Jane Jauhali

March 17, 2022

Nais ni Konsehal Elgin Damasco na magkaroon ng sariling gasoline station ang City Government ng Puerto Princesa bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo.

Sa kanyang privilege hour noong araw ng Lunes, Marso 14, sinabi niya ang kanyang naging karanasan sa  kanyang pagbisita sa Ilagan City sa Isabela ay mayroon gasoline station ang City Hall doon. Kaya naman ang presyo ng petrolyo sa Isabela ay napakamura kumpara sa Puerto Princesa. Bilang Chairman ng Committee of Energy ay nais nitong isulong ang pagpapatayo ng gasoline station na pagmamay-ari ng lungsod.

Ayon kay Damasco ito ang solusyon upang bumaba ang presyo ng pangunahing produkto ng petrolyo dito sa Puerto Princesa.

Sa kanyang pakikipag-ugnayan sa punong lungsod ay nais umano ni Mayor Lucilo Bayron na magkapagpatayo na ng gasoline station.

“Nais kong magpasalamat at i-klaro  na ang idea na ito ay mula kay Mayor Lucilo R. Bayron, ang pagpapatayo ng gasoline station at kailangan ng suporta ng ating konseho. Kasi ito lamang po ang nakikita ng representasyon na ito bilang Chairman ng Committee of Energy na sulosyon upang bumaba ang presyo ng pangunahing produkto ng mga petrolyo dito sa lungsod ng Puerto Princesa,” ani Damasco.

Ayon naman kay Konsehal Peter Maristela, dalawang taon nang nakakalipas nang magpasa siya ng isang resolusyon na humihiling sa punong lungsod na atasan aniya ang City Planning na pag-aralan ang posibleng paglalagay ng gasoline station at kanyang tinatanong kong mayroon na bang sagot mula sa punong lungsod dahil hindi ito naisama sa Annual Investment Plan at hindi napondohan para sa 2022.

“Sinasabi ni Konsehal Awat at kinumpirma ng ating secretary na si Atty. Hilario na hindi naman nakasama ito sa ating Annual Investment Plan at hindi rin kasama sa napondohan,” saad ni Maristela.

Sa kabila ng usapin na ito ay hindi naman tutol ang konseho sa ideya ng pagkakaroon ng gasoline station, ngunit hindi na maaring pumasok sa anumang kontrata dahil simula sa Marso 25, ay magsisimula na ang local campaign period para sa eleksiyon 2022.