Nangangamba ngayon sa kanyang kaligtasan ang kumuha ng video ng diumano’y pangongotong ng dalawang traffic enforcers ng City Traffic Management office kahapon.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Romnick Aldea, nakatanggap umano siya ng mensahe mula sa isang Venson Mesicula kung saan minura siya nito at nagbabanta sa kaniyang buhay.
“Nagmessage siya sa akin gamit ang dummy account. Minumura ako at pinagbabantaan,” sabi ni Aldea.
Naniniwala naman si Aldea na isa sa mga traffic enforcer ang siyang nagbabanta sa kaniya dahil tila deretso ito magsalita at alam na alam ang mga detalye ng pangyayari.
Isa rin umano sa pinangangambahan niya dahil kaniyang napag-alaman na ang isa sa mga ito ay retiradong pulis.
Dahil dito pinaplano niya na tumungo sa himpilan ng pulisya para ipablotter ang pangyayari.
Matatandaang ayon kay Aldea, lumabas sa bodega ng B-Meg sa Bgy Sta Monica ang truck na minamaneho ng kaniyang nakakatandang kapatid para bigyang daan ang dalawa pang mga truck na makalabas ng bodega na naghihilahan dahil sa sira ang isa nang biglang tinikitan ng mga traffic enforcer ang kuya niya dahil sa nakaharang umano ito sa kalsad at sa improvised plate number na ang kabuang multa ng paglabag ay P4500.
Nakiusap raw ang kaniyang nakakatandang kapatid na babaan ito kaya sinabi umano ng isa sa mga traffic enforcer na magbigay na lamang sila ng P2000 at kukunin nila ang tiket para sila na ang mag-asikaso at magremit.
Dito na raw niya napagtantong pangongotong ito kaya kinuhanan na niya ng video na kaniyang ipinost sa kanyang Facebook account.
Dahil dito ay sinibak na sa trabaho ang dalawang “kotong” traffic enforcers.