City News

Lalaking nakamotorsiklo, patay sa aksidente

By Palawan Daily News

January 04, 2019

Isang lalaking na nakamotorsiklo ang patay matapos na salpukin at kaladkarin ito ng nakasalubong na Kia Picanto nitong Miyerkules, January 2.

Nangyari ang aksidente sa kahabaan ng Barangay Lucbuan, lungsod ng Puerto Princesa mga alas-onse ng gabi.

Ayon sa mga otoridad, nakilala ang biktima na si Jed Joas Dane Germata at ang nakabangga ay isang menor de edad na residente ng Zone 3, Purok Masagana, El Nido, Palawan.

Dagdag sa report, pauwi na sana sa El Nido ang nakabangga nang makasalubong nito ang motor ng biktima.

“Base sa inisyal na imbestigasyon ng tropa natin, kinain ng Kia Picanto ang lane ng motor kaya nagkabulagaan sila,” saad ni Police Inspector Ray Aron Elona.

Sa lakas ng pagkakabanga, agad na binawian ng buhay ang biktima at nakaladkad pa ito halos 28 metro ang layo sa lugar na kung saan ito nasalpok.

Nagtamo ng bahagyang pinsala sa katawan ang driver ng Kia Picanto at dinala din sa bahay pagamutan. Haharapin din nito ang kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

“Makakasuhan pa rin ang driver ng kia, pero ngayon nasa ospital pa ito dahil under shock pa rin ito. Hndi pa rin natin nakakausap ang kaanak ng victim, kaya hinihintay pa rin natin kung itutuloy talaga nila ang pag file ng kaso,” saad ni Police Inspector Elona.

Ayon sa follow-up report, naghain na umano ng affidavit of desistance ang pamilya ng biktima at hindi na nila itutuloy ang kaso.