Seremonya ng pagsasalin ng mga gamit sa palaro ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa para sa pagpapatupad ng 'Laro't Saya sa Parke Program'. (Larawan mula sa Puerto Princesa City Information Office)

City News

‘Laro’t Saya sa Parke’, inilunsad sa Puerto Princesa

By Leila Dagot

June 13, 2019

Binuksan sa lungsod ng Puerto Princesa ang programang ‘Laro’t Saya sa Parke (LSP)’ ng Philippine Sports Commission (PSC) noong ika-siyam ng Hunyo na pinangunahan ng pamahalaang lungsod.

Tampok sa programa ang pagsasalin ng mga gamit sa paglalaro sa lokal na pamahalaan mula sa PSC.

Sa mensahe ni Atty. Arnel Pedrosa, city administrator, at siyang nanguna sa seremonya, sinabi niyang sa pamamagitan ng ‘Laro’t Saya sa Parke’ ay mailalayo sa mga computer games ang mga kabataan at magkakaroon pa ng pagkakataong magka-sama-sama ang buong pamiya.

Layon ng programa na magkaroon ng pagkakataon ang buong pamilya na magsama-sama habang aktibo sa palaro at ehersisyo.

Ang LSP ay programa ng PSC na ginaganap sa mga lungsod at lalawigan sa bansa. Ito ay naiiba sa nakaugaliang sports training program ng komisyon.

Ito ay nabuo hango sa konseptong ‘family in sports’, na maaaring isagawa sa mga parke, sports complex, beach area, o sa lahat ng lugar na may sapat na espasyo para sa mga aktibidad.

Sa lungsod ng Puerto Princesa, ito ay isasagawa tuwing Sabado, sa loob ng isang taon. May mga itinalagang lugar para sa bawat sports discipline, kabilang dito ang mga larong board games, football, karatedo, volleyball, basketball, table tennis at marami pang iba na ipatutupad ng City Sports Office. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)