Upang mabigyan ng babala ang kaniyang mga kabarangay, nag-post ng paalala sa kaniyang social media account ang isang residente ng Brgy. Sta. Monica ukol sa kaniyang karanasan laban sa aniya’y may masamang intensyon sa kapwa.
Sa post ni Jeffrey Abrina Alaska noong Nobyembre 13, ipinabatid niya na nang papauwi na siya mula sa trabaho at tinatahak ang Mitra Road ay may nakita siyang lighter sa gitna ng kalsada at nang magmatiyag sa paligid ay doon na niya napansin na may mga kalalakihang nakatago sa masukal na bahagi at akma siyang hahabulin.
“[D]adamputin ko sana pero naisip ko baka iba, kasi nakwento ng ate ko [na] may na-hold-up daw do’n dati kaya naglingon-lingon ako—kaliwa, kanan. No’ng paglingon ko sa kaliwa ko, may dalawang tao na nakatago sa may madilim at masukal [na bahagi]. Nakita ko kasi medyo malakas ‘yong ilaw ng motor—‘yong posisyon nila, ‘yong parang akmang tatakbo papunta sa akin kaya binilisan ko ang takbo ko,” saad ni Alaska.
Aniya, hindi niya batid kung ano ang talagang intensiyon ng naturang mga kalalakihan ngunit giit niya na mas maigi na ang mag-ingat sa panahon ngayon.
“Pinost ko po ito para aware po ang mga tao na dumadaan sa parte na ‘yan. Sana makarating sa [mga] kinauukulan at maaksyunan ng mapailawan po,” ang kahilingan pa ng nasabing netizen.
Hiniling din ng nabanggit na residente sa mga kinauukulan na marondahan ang binabanggit niyang lugar upang kung masasamang loob ang kaniyang nakitang mga indibidwal ay mapigilan ang maitim nilang balak.
“May mga residente po pa naman na naglalakad ‘pag gabi sa area na ‘yon pauwi ng kanilang mga tahanan,” kwento pa niya.
TUGON NG CITY PNP Ipinaabot naman ito ng Palawan Daily News (PDN) sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Headquarters upang matingnan at maaksyunan.
Sa phone interview, tinuran ni PMaj. Mhardie Azares, chief ng City Community Affairs and Development Unit (CCADU) at tagapagsalita ng PPCPO na nang mabatid ang impormasyon mula sa PDN ay agad silang nagsagawa ng nararapat na hakbang.
“Ang post na ‘yon ay shinare ko na sa Police Station 2-under kasi ng jurisdiction nila ‘yon-para maisama nila sa kanilang pagpapatrolya, especially during nighttime, dis-oras ng gabi at madaling araw. Actually, patuloy naman tayong nagsasagawa ng pagpapatrolya pero mas maigi na rin na ma-identify ang ganyang location ma-focus-an din,” ani PMaj. Azares.
Matapos ang pagroronda ay nakatakda naman umanong magbigay ng feedback ang PS2 kung ano ang resulta.
“Basta as of now, inutusan na natin sila na conduct-an ng mga patrolling at police presence ‘yong area na ‘yon at hindi lang sa area na ‘yon, [kundi] sa lahat pa ng mga possible location ng mga lawless element,” aniya.
Pinuri rin ng tagapagsalita ng City PNP ang ginawa ng naturang netizen na nag-ingat mula sa napipintong kapahamakan.
“Kasi ang ganyang mga bagay, kailangan din ng pag-iingat ng mga mamamayan. Hindi lang lahat ay iasa natin sa mga law enforcement unit. Mayroon pa ring concern tayo as individual na pag-ingatan ang ating sarili,” dagdag pa ni PMaj. Azares.
Sa lagay naman ng peace and order ng Lungsod ng Puerto Princesa sa nagdaang mga huling linggo, binanggit ng opisyal na nananatiling tahimik ang siyudad.
“So far, doing good naman dahil decreasing ‘yong ating crime incidents, pero naze-zero pa [nga] tayo sa isang linggo kasi weekly ang ating review ng mga police operation and crime incidence. Malimit nga, ang pinaka-crime natin ay ‘yong mga violation of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) kasi mga police initiated operations ‘yon but as to the crime incidence against the person, against the property ay medyo isa o dalawa-paganyan-ganyan lang kada linggo,” ayon sa spokesperson ng City PNP.
Ngayong linggo naman umano ay maganda ang naging sitwasyon sapagkat walang naitala na mga insidente ng krimen.
“Inaanyayahan natin ang ating mga kababayan na patuloy na mag-ingat lalo na sa panahon ngayon na panahon ng crisis, panahon ng pandemya, kasi isang cause din ‘yan sa paggawa ng kasamahan ng iba nating mga kababayan dahil mangangailangan sila ng pera pero maling gawain naman ‘yon,” aniya.
Dagdag pa ng opisyal, iwasan ang madidilim na lugar, ngunit kung hindi natin maiwasan ay dapat may kasama sa pagdaan sa ganoong mga lugar.
“And of course, kung may mga kahina-hinalang tao [kayong napansin] ay ipagbigay-alam sa pinakamalapit na police station or pwede rin sa aming Facebook page. I-message n’yo lang doon para bigyan natin ng agarang aksyon,” ang pagtitiyak ng tagapagsalita ng PPCPO.
Samantala, sa ngayon ay wala naman umanong rekord ang Investigation Section Unit ng PPCPO ukol sa ipinarating ng nasabing concerned netizen na modus na robbery hold-up sa Puerto Princesa.