Nakasalang ngayon sa Committee of the Whole sa Sangguniang Panlungsod ang reklamo ng dalawang kawani ng Office of the City Agriculturist Office (CAO) laban sa pinuno ng kanilang tanggapan.
Sa liham ni Kgd. Jimmy Carbonell na isinumite sa City Council na may petsang Marso 10, inilakip nito ang liham na mula naman sa mga complainant na sina Raul Matillano, Agricultural Technician at Emil Cabanag, Agricultural Technician II ng CAO na may petsang Pebrero 25 kaugnay sa kanilang reklamo laban kay City Agriculturist Melissa Macasaet.
Sa regular na sesyon kahapon, tinalakay ang kahilingan ng mga nagrereklamo na ipahukay ang mga ibinaon umanong mga pataba sa dalawang magkahiwalay na barangay sa Lungsod ng Puerto Princesa. Ani Carbonell, ibinaon ang mga ito sa Rural Agricultural Center sa Brgy. Salvacion at sa Gintong Butil Farm sa Brgy. Luzviminda.
Matapos ang talakayan ay saglit na nag-recess ang City Council at sa kanilang pagbabalik ay napagkasunduan nilang pag-usapan muna ang usapin sa Committee of Whole (COW) sa pamamagitan ng executive session sa Abril 6 upang mabigyang pagkakataon na mapakinggan ang mga witness.
Sa panayam ng local media kay Kgd. Carbonell, chairman ng Committee on Environmental Protection and Natural Resources at miyembro ng Committee on Good Governance, binanggit niyang layon ng pag-uusap sa COW na maging kampante ang mga testigo sa pagbahagi nila ng kanilang mga nalalaman.
Ipinaliwanag ng konsehal na nararapat lamang na gawin ito upang malaman ang katotohanan.
“Sumulat sila, in-address sa akin at ini-refer ko ito sa Joint Committee ng Good Government at saka Environmental Protection and Natural Resources dahil ang mga agricultural products na ‘yan ay mga toxic materials. Kung hindi maayos ang pagdi-dispose niyan, napakalaki ng epekto niyan sa kalikasan” ani Carbonell.
Giit niya, kung siya umano ang inakusahan at malinis ang kanyang konsiyensiya ay papayag siya na hukayin ang mga ito dahil mayroon namang mga saksi na makapagsasabi sa eksaktong lugar.
Nakarating pa umano sa kanyang kabatiran na nangangamoy ang mga patabang ibinaon sa lupa sa halip na ipamahagi sa mga magsasaka.
“Naniniwala ako na mayroon dahil hindi naman siguro itataya ng mga tao na ito ‘yong kanilang personalidad na ito kung hindi totoo [ang ipinupukol nilang isyu],” giit pa ni Carbonell nang tanungin kung naniniwala ba siyang may ibinaon na fertilizer.
Ipinaliwanag niyang kahit 2015 pa unang lumabas ang isyu ay wala namang batas na nagsasabing hindi na ito pwedeng maungkat ngayon kung ang kailangang malaman ang mga katotohanan.
“Sabihin natin na investigation o fact-finding siguro, karapatan din ng komite ‘yan na malaman. At kung ako rin ang inaakusahan at malinis ‘yong konsiyensiya ko at wala akong ginawang kasalanan, ay sasabihin ko sa komite na ‘Sige po, puntahan ninyo ‘yon. Pumapayag po ako na maghukay.’ Pero bakit ‘hindi’ ang katugunan? So, ito ay nagbibigay ng palaisipan sa ating mga magsasaka dahil programa ito ng ating Pamahalaang Panlungsod eh,” aniya.
Aniya na-dismiss man ang kasong administratibo ngunit wala naman umanong nangyaring ocular inspection kaya kapag natuloy ang paghahanap sa nasabing mga ibinaong abono ay isasama ang nabanggit na mga saksi.
“Alam [‘yon] ng mga complainant and witnesses [kung saan ibinaon ang mga pataba] at kung sino ang maghuhukay, siyempre, ang ating iko-commission diyan ay ang [mga tauhan] sa City Engineering Department dahil sila ang may mga heavy equipment na magagamit,” ayon pa kay Carbonell.
Samantala, sinikap naman naming hingan ng panig si City Agriculturist Macasaet ngunit tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
Bukas ang Palawan Daily News sa magiging pahayag ni City Agriculturist Melissa Macasaet kaugnay ng usapain.