Aerial View of Puerto Princesa Bay (Baywalk) Photo from lsgardenvilla.com

City News

Lungsod ng Puerto Princesa, naghigpit dahil sa tumataas na bilang ng local transmission

By Diana Ross Medrina Cetenta

October 06, 2020

Bunsod ng tumataas pang bilang ng local transmission ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa ay inanunsiyo ng Pamahalaang Panlungsod ang ilang pagbabago sa kasalukuyang umiiral na polisiya para sa pag-iwas sa nasabing sakit.

Alinsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng Puerto Princesa City sa isinagawa nilang pagpupulong kaninang umaga, ang mga pagbabagong magaganap bilang bahagi ng pag-iingat upang hindi na lumaganap pa ang pagkalat ng Coronavirus disease-2019 sa siyudad ay ang pagpapaaga ng Curfew hours, pagpapatupad ng liquor ban, paglilimita sa sampung katao lamang sa mga pagtitipon-tipon at maging sa pagsasagawa ng Committee/public hearings, pagtatalaga ng COVID Marshals at pagsususpende ng byahe papasok sa lungsod mula sa ilang lugar.

Sa ibinabang Executive Order No. 2020-46, series of 2020 ni City Mayor Lucilo Bayron ngayong araw, nakasaad na ipatutupad na ang modified curfew hours na 10 pm hanggang 5 am simula bukas, Oct. 6, 2020 at magtatapos sa Oct. 20, 2020. Dahil sa mas pinaagang oras ng curfew, inaatasan ang lahat business establishments sa lungsod na i-adjust din ang kanilang working hours para sa maaga ring pag-uwi ng kanilang mga empleyado habang ipinabatid din ng alkalde na ang pagpapalabas ng curfew pass ay magmumula lamang sa Tanggapan ng City Administrator ngunit para lamang sa pinapayagan at sa mga sitwasyon lamang na lubhang nangangailangan nito.

Sa hiwalay namang kautusan ni Mayor Bayron, sa pamamagitan ng Executive Order No. 2020-47, series of 2020, simula rin Okture 6 hanggang Oktubre 20 ay pansamantalang pagbabawalan ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar gaya ng resto bars, restaurants, karaoke bars, refreshment parlor at iba pang mga kahalintulad na mga establisyimento. Ngunit nilinaw ng punong ehekutibo na pinapayagan pa rin ang pagbebenta, pagbili at ang pag-inom ng alak sa loob ng tahanan.

Pangungunahan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang pagpapatupad ng nasabing mga kautusan, sa pakikipag-ugnayan nila sa mga opisyales ng barangay, mga tanod, City Public Order and Safety at sa City Anti-Crime Task Force.

“For two weeks lang naman, hanggang ma-contain natin itong mga hinahanap natin nang hindi na dumami [pa ang mga mahahawaan ng COVID-19] kasi diyan nakukuha sa mga inum-inuman, sa mga kakainan [sa labas],” ayon naman kay Health Committee chairman Roy Ventura sa isang hiwalay na panayam.

Aniya, sa Mass gathering at sa Committee meeting/public hearings na sampung (10) katao lamang ang papayagan, sa susunod na linggo ay mahigpit na rin nila itong ipatutupad. Aniya, sa isasagawa nilang sesyon, gaya ng Provincial Board ay magkakaroon din ng live streaming sa sesyon ng City Council dahil limitado lamang ang makapapasok sa Session Hall habang sa mga pagpupulong ng mga komite, ang papapasukin lamang ay ang mga concerned individual upang masunod ang social distancing.

Sa mga simbahan ay pinapayagan pa rin ang mahigit sa sampu ngunit mariin niyang itinagubilin ang pagsunod sa mga protocol gaya ng social distancing, pagsusuot ng facemask at iba pang kaugnay na alituntunin.

LILIKHA NG COVID MARHALS

Dagdag pa ni Ventura, layunin naman ng pagtatalaga ng COVID Marshal na masigurong naipatutupad ng maaayos ang lahat ng mga health protocol

“Lilikha ng COVID marshals at sila’ng iikot sa buong Puerto [Princesa] sa mga hindi sumusunod sa health protocol—sa mga sasakyan kapag wala kang facemask, faceshield, pati sa curfew, lahat—sa mga restaurant o kung saan, magbabantay sila. Huhulihin sila (mga lumabag) at dadalhin sa PNP, at doon sila magpaliwanag sa PNP,” ayon pa sa konsehal.

Ayon kay Kgd. Ventura, inaayos pa ang nabanggit na hakbang at inaasahang maipatupad sa lalong madaling panahon na pangungunahan ng Incident Management Team (IMT) ng siyudad.

Ang rekumendasyon namang pansamantalang isuspende ang byahe patungo sa Puerto Princesa simula Oct. 12, 2020 na magtatagal din sa loob ng dalawang linggo ay ang byaheng mula Kamaynilaan lamang na nakadepende sa magiging katugunan ng Regional IATF habang umiiral na ang hindi muna pagtanggap ng mga indibidwal mula sa mga munisipyo ng Cuyo, Coron at Busuanga.

“Yong resolusyon ng local IATF natin, papaaprubahan sa regional then bago ma-implement ‘yon pero nire-request natin ‘yon na next week na i-ban, hindi na sa linggong ito. Bale, ‘yong flights natin na MWF, tuloy pa ngayong linggong ito pero next week, kung okey sa regional [IATF], hindi na matutuloy ‘yong Puerto flights na MWF,” paliwanag ni City Councilor Ventura.

‘HINDI BAWAL ANG INTER-MUNICIPAL TRAVEL’

Sa gitna ng mga katanungan ng mga mamamayan, nilinaw ni City Councilor Ventura na tuloy pa rin ang inter-municipal travel dahil ang bawal lamang ay ang nasabing mga munisipyong may local positive cases.

“Hindi naman pinagbabawalan, kinokontrol lang natin [ang byahe mula sa mga munisipyo].  ‘Yong monitoring station, mayroon tayong tatlong border di ba? Kaya nililista sila (mga byahero)—[tinatanong sila] kung ano ang purpose nila, kung saan sila galing, contact number nila, pangalan, pero kapag galing ka roon sa mga munisipyong nabanggit katulad ng Coron, Cuyo o Busuanga ay hindi ka pwedeng pumasok dito kasi sila, hindi rin pwedeng pumasok sa mga munisipyong gustong puntahan. Tayo, hirap din tayong pumasok sa ibang lugar,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, ang hinihingi namang approval sa regional IATF ay flights lamang patungo sa Lungsod ng Puerto Princesa at hindi kasama ang Lalawigan ng Palawan.

Aniya, ang mga taga-Palawan na lalapag sa paliparan ng siyudad ay hindi pwedeng bumaba ng lungsod at kailangang diretso na sa uuwian nilang munisipyo kagaya ng dati, at kapag may nakasamang taga-siyudad ay iku-quarantine ng probinsiya dahil puno na ang mga quarantine facility ng Puerto Princesa.

Sa huli ay nakiusap ang opisyal sa mga mamamayan ng lungsod na iwasan muna ang mag-uumpukan upang maiwasan ang posibleng pagkahawa sa COVID-19 at panatilihing malusog ang kaalusugan at ligtas sa lahat ng oras.

“Tayo ay nananawagan sa ating mga kababayan sa Lungsod ng Puerto Princesa na maging maingat at sumunod po tayo sa mga ipinatutupad na health protocol, sa lahat ng ating gawain, sa ating sarili, sa mga establisyimento at kung saan-saan pang pagpupulong ng ating mga kababayan,” panawagan pa ni Ventura.