Ipinaliwanag ng Palawan Provincial Task Force–ELCAC (PTF-ELCAC) sa pamamagitan ng isang post sa Facebook kahapon, Hulyo 17, na naaayon sa batas ang ginawang pagbakod ng Tactical Operations Wings (TOW)-West sa Naval Road sa Brgy. San Miguel dahil iyon ay pag-aari ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ayon sa PTF-ELCAC, nakarehistro ang nasabing lupain sa pangalan ng Republika ng Pilipinas, na kinatawan noon ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, Gen. Favian C. Ver at makikita sa Transfer Certificate of Title (TCT) No. 074-2013000453.
“Samakatuwid, ito ay pag-aari ng AFP na sa pangangalaga at administrasyon ng TOW-West. Hindi ito ordinaryong ‘government land’ dahil ito ay titulado sa AFP,” ang komento pa ng task force.
Giit ng grupo, kaakibat na sa matagal ng programa ng AFP na protektahan ang mga lupain ng gobyerno laban sa mga propesyunal na squatters o ang mga indibidwal o mga grupo na nagtatayo ng kanilang mga bahay sa isang lupa nang walang pahintulot.
Hindi rin umano nilabag ng TOW-West ang mga karapatan ng mga kasalukuyang naninirahan sa lugar dahil nakipag-ugnayan na rin sila sa nasabing mga apektadong mamamayan. Sa katunayan umano, maraming pagkakataon na nang nagkaroon ng pagpupulong sa Barangay Hall ng San Miguel at maging sa Sangguniang Panlungsod at naipaliwanag na nila na ang kanilang ginagawang pangangalaga sa mga lupang pag-aari ng AFP ay naaayon sa AFP Base Development Plan at pagprotekta sa mga military facilities na nasa loob nito.
Sa ngayon ay maaari naman umanong pumasok at lumabas ang nasabing mga residente gamit ang Gate 3 ng TOW-West. Ang layunin lamang din umano ng nasabing hakbang ay maiwasan pang madagdagan ang mga ilegal na magtatayo ng mga bahay sa lugar at para na rin sa seguridad ng buong kampo militar habang hinihintay pa ang magiging desisyon ng Higher Headquarters ukol sa isyu.
Kauganay nito ay nagpaabot ng suporta ang pamunuan ng Wescom, ang co-chair ng PTF-ELCAC, sa inisyatibong ginawa ng Tactical Operations Wing West. Giit nila, mandato lamang ng Armed Forces of the Philippines na pangalagaan ang seguridad at kalagayan ng mga kampo at base militar alinsunod sa regulasyon ng AFP at sa Section 3 at Section 27 ng Republic Act 7279.