City News

Mahigit P333M Supplemental Budget para sa COVID-19 vaccine ng Puerto Princesa, inaprubahan na!

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 12, 2021

Agad na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang mahigit P333 milyong supplemental budget na layong maidagdag sa pondo na pambili ng bakuna laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Una nang nagtabi ng P127M ang City Government pambili ng COVID-19 vaccine. Ang supplemental budget ay bilang tugon sa anunsyo ni Mayor Lucilo Bayron na target ng lokal na pamahalaan na makakalap ng P500M para bumili ng bakuna kontra COVID-19 para sa 70% ng populasyon. Sa Supplemental Budget No. 1 na umaabot sa P333,062,000 ay mula sa savings/surplus ng mga proyekto noong 2019 , at sa 20% Development Fund Projects na sa ngayon ay ilalaan para sa operating expenses para sa Public Health Emergency Response for Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Pandemic Program (Vaccination Program) at sa Health and Wellness Program.

Samantala, ang mabilisang aksyon ng mga miyembro ng Konseho ay bilang tugon sa natanggap nilang liham buhat kay City Administrator Arnel Pedrosa na humihiling sa agarang aprubahana ng pondo para sa bakuna.

Sinagot din ni City Budget Officer Regina Cantillo si Kgd. Jimbo Maristela sa katanungan niyang bakit Enero pa lamang ay mag-aapruba na ng supplemental budget gayung katatapos lamang ng pag-apruba ng 2021 Budget na aniya’y wala namang problema ukol dito.

Ani Cantillo, mainam umanong buo na ang pondong ilalaan para makipag-negotiate sa mga parmasya lalo pa at paunahan ngayon sa pagbili at magkakaiba ang presyo ng mga bakuna.