Patuloy na inililipat ng Puerto Princesa City Government ang mga manininda patungo sa Agricultural Center sa Barangay Irawan. Kukuha rin umano sila ng mga talipapa vendors mula sa iba’t ibang barangay upang maging ‘one stop shop’ ang lugar.
Ayon kay Market Superintendent Joseph Vincent Carpio, pinakinggan nila ang hiling ng mga manininda sa Agricultural Center na sana ay magkaroon din ng isdaan at karnehan upang maengganyo dumayo ang mga mamimili.
“Sabi nila, ‘Sir, kailangan dito rin sana [ay] may mabibilihan din ng isda.’ So mayroon tayong nakausap doon sa mga naapektuhan [na talipapa vendors] partikular dito sa mga naapektuhan sa iki-clearing na talipapa dito sa Sicsican at saka sa Tagburos.”
Aniya limitado lamang ang kanilang maiimbitahang maglagay ng puwesto doon dahil tinitingnan pa kung paano mababantayan at maaayos ang waste management sa lugar.
“Doon natin kinuha yung magtitinda ng isda dito. Kaya lang limitado lang yung bilang [na puwedeng pagbigyan ng puwesto] dahil alam naman natin yung kailangan i-consider natin dahil di natin [makakaya] yung pagma-manage ng waste nito – yung sanitation.”
Dagdag pa nito na kung kinakailangan ay dadagdagan pa nila ang mga manininda ng isda at karne ngunit sa ngayon ay tig-lima lang ang kanilang pahihintulutan magbenta sa Agricultural Center. “Titingnan natin kung ano yung kailangan, kung medyo napansin natin na hindi sapat baka makonsidera natin na dagdagan [yung mga vendors ng isda] pero sa ngayon mayroon tayong inaasahan na limang vendor ng isda at limang vendor ng karne.”
Sa panayam naman ng Palawan Daily News kay Balbino Parangue, kapitan ng Barangay Sicsican, nakapagsumite na umano sila ng limang vendors na bibigyan umano ng puwesto para magtinda at pinoproseso na ang kanilang mga dokumento upang mailipat.
“Bawat barangay, hiningian kami ng limang vendors muna. Nag-submit na rin kami doon ng lima [at] yun ay bibigyan [ng puwesto] doon sa may [Barangay] Irawan. Ang [sabi] naman nila Sir Carpio, konti-konti lang para yung iba mapagbigyan din. So prinayority ko talaga yung mga taga-Sicsican talaga. Ang iba kasi ditong nagtitinda hindi taga-amin, mga taga-Sicsican eh.”
Ayon sa isang residente ng Barangay Sicsican ay mas mainam ito upang hindi na pumunta pa sa ibang lugar ang mga tao upang mabili ang lahat ng kanilang kinakailangan.
“Mas maganda kasi nga mas hindi na maghahanap pa sa ibang lugar yung tao pagpumunta doon kapag kailangan niya ng isda [at] karne [ay] madali na lang. Hindi na pupunta pa [sa ibang lugar]. [Kasi kung] gulay lang doon sa bagsakan, pupunta ka pa doon sa [New Public Market sa] San Jose at kung saan pa man mayroong nagtitinda [ng isda at karne]. Para isang puntahan mo lang doon. Mas convenient sa tao pag nandoon sa isang lugar [at] nandun na lahat ng kailangan niya.”