Batid umano ng pamumunuan ng Pamilihang Bayan sa Lungsod ng Puerto Princesa na limitado lamang ang mailalagay na manininda sa ginagawang gusali nito sa San Jose New Public Market. Kaya mayroon umano silang paraan para mailagay dito yaong mga karapatdapat lamang magkaroon ng puwesto dito.
“To tell you the truth, even if we wanted hindi natin ma-accommodate them all. Paano mo mai-fit yung 1,000 tao sa 500 space capacity, so ang sakin ganito lang yun, ewan ko lang kung unfair ito o fair. Ngayon kung mangyari matapos na itong palengke, who would you think yung tama tingnan ko na ma-priority [yung sa Irawan muna],” pahayag ni Market Superintendent Joseph Vincent Carpio.
Ayon pa kay Carpio, hindi lamang sapat na nandoon sila sa Irawan Agricultural center kundi dapat sila ay legal ding manininda at kung sakaling hindi maibalik ang mga ito sa New Market ay puwede ring ilagay sa isa pang gusali ng palengke sa Barangay Irawan.
“Ang titingnan natin, unang-una yung nandoon sila [sa Irawan], pangalawa hindi porke nandoon sila ok na kailangan mayroon silang Business Permit, so yun ang mga priority. Doon [sa Irawan] kinausap ko na sila ‘so tingnan ninyo dito pa lang ilan na kayo?’ Ang unang-una ay hindi ko sila pinapaasa. Ngayon sabi ko sa kanila, in case na hindi kayo kakasya dito yung iba ay mapupunta doon sa Irawan [sa] market mismo.”
Nilinaw ng Market Superintendent na unang mapagbibigyan ang mga kasalukuyang manininda sa Pamilihang Bayan ng san Jose at yung mga pumayag na mailipat sa Irawan.
“So ang consideration, priority yung talagang occupant, occupant dito [sa San jose] at saka nandoon [sa Irawan], mayroong Business Permit tapos yung mga nag-apply,”
Samantala, umalma naman dito ang isang opisyal na hindi na nagpabanggit ng pangalan mula sa samahan ng mga vendors na nasa Sampaloc Street, Baragay San Jose. Hiling nito na ang Sangguniang Panlungsod na ang pumili para rito.
“Nakikita namin si Carpio ayaw niya talaga maging benipisyaryo ang mga taong ito (yung mga nasa Sampaloc Street) ng ginagawang palengke, yan ang napakasakit na katotohanan kasi limited slots lang naman yun eh. Kaya hiniling namin sa City Council na kung dumating ang point na mamimili na kayo ng binepisyaryo ng pamilihang bayan, dumaan man kay Carpio pero the final disision will be coming from the City Council.”
Matatandaang pinaalis ang mga ito sa bagsakan area upang bigyang tugon ang proyekto na pagpapagawa ng dalawang palapag na gusali sa Barangay San Jose.