City News

Mga Negosyante ng litsunan, umaalma sa patay-sinding kuryente

By Sevedeo Borda III

November 24, 2021

Apektado ang ekonomiya ng Palawan dahil sa patay-sinding serbisyo ng kuryente sa lalawigan at lungsod na naging dahilan umano’y pagkasira ng mga kagamitan at malugi ang karamihan sa mga negosyo sa gitna nang nararanasang pandemya.

Ayon kay Geraldine Carlos, may-ari ng RENZ KANO LITSON MANOK & LIEMPO, malaking hamon sa mga tulad niya ang pagsisikap na mapanatili ang maliit na negosyo at matugunan ang mga obligasyon sa mga empleyado nito dahil sa pandemya subalit mas malaking dagok umano ang pahirap na serbisyo ng Palawan Electric Cooperative (PALECO).

“’Pag biglang nawalan ng kuryente, wala nang maibenta. Marami na akong nasirang freezer dahil sa unstable na power supply. Palagi rin napupundi ang ilaw namin sa puwesto,” pahayag ni Carlos.

“Charge to experience palagi ‘pag nasisira ang mga gamit namin at hindi kami makapagtinda. Minsan halos maghapon walang kuryente. Paano ka pa makapagluluto?” dagdag pa nito.

Ibinahagi rin ni Carlos na siyam na taon na siyang nagtitinda ng litson manok at liempo sa bahagi ng National Highway, Sta. Monica, Puerto Princesa City.

Sa munting hanap-buhay kinukuha ang pangangailangan ng kaniyang pamilya, benepisyo ng kaniyang mga tauhan kabilang na ang bayad sa upa sa puwesto na nagkakahalagang P7,500 kada buwan.

Si Carlos ay kabilang sa hanay ng mga negosyante sa lungsod na umaasa sa maayos na serbisyo ng kooperatiba upang maitaguyod ang kaniyang kabuhayan, pamilya at mga tauhan.

Matatandaan na kamakailan ay bumisita sa lungsod ng Puerto Princesa si Pangulong Rodrigo Duterte at nag pahayag ng pagkadismaya sa nangyaring brown-out sa siyudad na umaabot ng mula anim hanggang walong oras.

Binigyan ng Pangulo ng ultimatum ang PALECO para ayusin ang matagal ng problemadong serbisyo nito sa kuryente at, ayon sa Pangulo, ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho para sa kapakanan ng mga mamamayan.

Ayon naman kay PALECO Chairman Jeffy Tan-Endriga sinabi nito na ang problema na ito common sa ibang pang kalapit na probinsya at nitong kamakailan ay umapela ang kooperatiba sa naging pahayag ng pangulo at sa pamamagitan ng signature campaign at ipakita ang mga naging accomplishments nito.

“Actually, meron tayong ginawa tayong signature campaign na iapela sa pangulo na yung sitwasyon natin dito ay common sa ibang probinsya.. Yung nararanasan na interruption natin dito ay nararanasan din sa ibang probinsya katulad ng Mindoro at ng ibang karatig [probinsya], especially hindi tayo connected sa grid at pinakita natin sa kanya kung ano yung accomplishment way forward activities na gagawin ni PALECO so yun na ang mga letter na nilalaman nung appeal natin kay mahal na presidente,” ayon kay Endriga.