Governor Jose Chaves Alvarez during the press briefing held in VJR at the Provincial Capitol last March 16

City News

Mga netibo, tinakot ng ‘NO’ sa naganap na plebisito?

By Angelene Low

March 18, 2021

Ibinahagi ni Palawan Governor Jose Chaves Alvarez sa isinagawang press conference noong Marso 16, 2021 na mayroong pananakot na naganap sa mga katutubo kaya’t nanalo ang “NO” sa katatapos lang na plebisito kaugnay ng paghahati ng Palawan sa 3 probinsya.

Ayon sa pahayag ni Governor Alvarez, ang kabilang kampo na sumusulong ng “NO” ay personal umano na tumungo sa mga lugar na hindi gaanong gamit ng mga tao ang smartphones partikular na ang mga netibo at tinakot na paaalisin umano sila sa kanilang lupain sa kabundukan sakaling iboto at manalo ang “YES”.

“Karamihan ng mga barangay na walang smartphones pinuntahan at tinakot lalong-lalo na yung mga netibo. Tinakot [na] ‘pag bumoto kayo [at] ’pag nanalo ang “YES “papaalisin kayo sa kabundukan.”

“Sige na lang [dahil] wala tayong magawa. ‘Yun lang naman magawa nila [ang] pananakot. ‘Yun naman mga kababayan natin kaawa din siyempre kulang sa pinag-aralan medyo natakot din but nevermind [dahil] ngayon alam natin ‘yung kanilang istilo. Pinabayaan natin ‘yun dahil ‘yung kampaniya naman ng [Republic Act] 11259 was done in 2018 and 2019. Matagal na so nakalimutan na siguro…”

Pinasinungalingan naman ito ni Cynthia Sumagaysay, Co-convenor ng One Palawan, dahil wala umanong kapangyarihan ang kanilang grupo na manakot at umaasang mabigyan ng hustisya ang mga katutubong napagbintangan na komunista.

“Parang baliktad, paano kami mananakot? Tingnan niyo, it’s very obvious kung sino ang nasa power at puwedeng manakot. It’s not us, ‘di ba? At kung sinasabi nilang tinatakot ‘yung mga katutubo, may istorya sa Brooke’s Point may mga katutubo [na] binintangan pa. And I hope na magkaroon sila ng hustisya dahil pinagbintangan sila na sila ay komunista et cetera, nakakaawa kasi… Nagkaroon lang ng pagkakataon yung grupo nila Mayor Danao na mangampanya doon tapos parang binalingan sila at ginawan ng istorya pero I hope magkaroon sila ng hustisya.”

“So ang nananakot ay hindi kami, hindi ang One Palawan.”

Ayon kay ni Attorney Grizelda ‘Gertie’ Mayo-Anda, Environmental Lawyer at  kilala bilang isa sa mga kinatawan ng Save Palawan Movement, wala silang kapasidad na magbanta sa mga katutubo at hindi ito parte ng argumento ng kanilang grupo.

“With all due respect, mawalang galang, walang katotohanan ‘yan kasi wala kaming kakayanan na magbanta, ‘diba? Ang katutubo nga pumupunta sa amin kasi ini-intimidate sila kaya nga tumutugon kami, may kaso [at] may reklamo. So wala po kaming kakayanan na magbanta kasi wala kami sa gobyerno, wala kaming armas [at] wala kaming pera. Wala kaming capacity mag-intimidate, mag-harass o manakot. Wala yun sa key arguments ng Save Palawan Movement…”

Noong Marso 16, 2020 ay pormal na inanunsyo ng Palawan Provincial Plebiscite Board of Canvassers na nanalo ang botong “NO” sa paghahati ng Palawan sa 3 probinsya. 172,304 ang bilang ng boto na natanggap ng “NO” habang 122,223 naman ang “YES”.