City News

Mga pasaherong patungo sa Lungsod ng Puerto Princesa, kailangan nang sumailalim muli sa 14-day quarantine

By Angelene Low

April 06, 2021

Kailangan nang muling sumailalim sa 14-day quarantine ang mga biyaherong papasok sa Lungsod ng Puerto Princesa. Ito ay inanunsyo kahapon sa COVID-19 update ng Pamahalaang Panlungsod kaugnay ng nakakaalarmang pagtaas ng mga nagpositibo sa Antigen test.

“Ipinapatupad na natin yan ngayong week na lahat ng travelers na pumapasok po dito sa Puerto Princesa [City] ay isasangguni natin sa at least 7 araw na quarantine sa ating mga quarantine facilities. Habang nasa quarantine facilities natin, sila ay ite-test din natin ng antigen test at kung after ng 7 days sila po ay walang problema [at] negatibo ang antigen test po nila ay puwede nating pauwiin pero extension po ng another 7 days home quarantine.” Ayon kay Dr Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) Commander.

Patuloy itong ipapatupad sa hinaharap para sa mga Locally Stranded Individuals (LSI), Balik Probinsya, Resident at Non-Resident Authorized Person Outside Residence (APOR).

“So, ibig sabihin 14 po na araw ang quarantine po ng mga dadating po na ‘to lalong lalo na kung may dadating, kung sabihin natin in the future, ang LSI o balik probinsya. Kahit isang resident APOR, base sa ating resolution po ng PPC-IATF ay applicable po na i-quarantine natin ‘yung mga dumadating po na ‘yan.”

Sasagutin naman ng Pamahalaang Panlungsod ang pag-quarantine ng mga LSI. Ngunit para sa mga APOR, kailangang magbayad ng sariling pagpapa-quarantine ng mga ito.

“Kung ikaw ay isang resident APOR or isang non-resident APOR, ang magbabayad po ng kanilang quarantine ay sila po mismo. Hindi po babayaran ng ating local government ng Puerto Princesa. Kung sila ay, sakali in the future, isang LSI at napatunayang LSI ka ay babayaran po yun ng Puerto Princesa. Pero yung nakikita naming karamihan natin ngayon ay APOR. It’s either resident APOR ka o non-resident APOR. Sila po ang magbaayad ng kanilang quarantine sa ating quarantine facility.”

Sa kasalukuyan ay libre ang isinasagawang Antigen testing ng IMT pero ito ay maaaring magbago sa hinaharap na kung saan ang mga APOR ay magbabayad ng mga test na kailangang gawin.

“Right now po ay hindi pa po natin sila talaga pinagbabayad pero puwede pong mangyari po ‘yun sa hinaharap. Sa ngayon po ay ‘di po namin sila sinisingil lalong lalo na po itong mga APOR.”