City News

Mga talipapa sa Puerto Princesa, hindi na papayagan makapag-renew ng Business Permit

By Gilbert Basio

January 08, 2021

Tapos na ang pakiusapan sa pagpapa-alis ng mga talipapa sa Lungsod ng Puerto Princesa ayon kay Thess Rodriguez ng Business Permit and Licensing Office (BPLO). Lalo na umano ang mga lumalabag sa market code at mga apektado ng road clearing operations ng Department of the Interior and Local Government (DILG)

“On the part of the Business Permit and Licensing, tapos na ‘yung ating trabaho because they already conducted dialogue with the vendors, they know already what will happen. And, in fact, dapat no’ng October pa lang niyan pinaalis ko na kaya lang dahil sa pakiusap ng ating alkalde ay napakiusapan ang DILG na i-extend… Hindi na ito siya pakiusapan, hindi na siya information dissemination kasi siya ‘yung inuutos ng DILG,” ani Rodriguez.

Nagbabala rin si Rodriguez na hindi nila papayagan na makapag-renew ang mga talipapa na nagtitinda ng mga ‘perishable items’ partikular na ‘yung gulay, karne at isda.

“Hindi na po namin ire-renew yang mga talipapa and kung may makalusot man diyan yan po ay subject for cancellation. Hindi po magiging dahilan ‘yan na puwede nating ipaglaban sapagkat prebilihiyo lang po ‘yan… Talagang pinaghihigpitan natin ngayon yung [nagbebenta sa talipapa ng] perishable items katulad ng karne at fish. Actually, ‘yun yung pinapabantayan natin sa mga encoder natin,” saad pa nito.

Kung sakali naman aniya na mapatunayan na nagsinungaling ang isang negosyante kaugnay ng kanyang aplikasyon para sa business permit, posibleng makansela ang ibinigay na permit at mahaharap pa ito sa kaukulang parusa.

“Kung kayo po ay nagsinungaling sa inyong declaration dito sa pag-encode yan po ay may karampatang kaparusahan. Kaya ‘yan nakalusot kasi maaaring iba ang kaniyang dineclare sa halip na talipapa sinabi niya [na] retailer ng essentials or sari-sari store…Kung nakaligtas siya doon sa tala ng ating isinagawang inspeksyon eh iikot din naman kaagad ang ating mga inspektor pagkatapos nitong renewal para i-counter check ang mga yan at mai-recommend na natin for cancellation agad ng kanilang mayor’s permit,” pahayag ni Rodriguez.

Samantala sa inilabas na DILG Memorandum Circular (MC) No. 2020-145, binigyan na lamang ang mga Local Government Units (LGUs) ng hanggang January 15, 2021 para alisin ang mga nakahambalang na mga istraktura sa kalsada.