Sangguniang Panlungsod Puerto Princesa during the Public hearing // Photo by Lexter Hangad / Palawan Daily News

City News

Mga tricycle operators sa Puerto Princesa, hiling na itaas ang pamasahe

By Lexter Hangad

March 18, 2021

Umalma ang mga tricycle operators sa Puerto Princesa sa inilbabas na City Ordinance No. 111 “An Ordinance Lifting the Special Fare Rates of Public Tricycle“ na nagbalik ng minimum fare sa lungsod sa P10.00. Nagsagawa naman ng Public Hearing ang Committee on Transportation ngayon araw Marso 18, 2021, sa pangunguna ni Konsehal Jimbo Maristela bilang Chairman ng komite at kasama ang ilang mga tricycle operators upang dinggin ang kanilang panig.

Ayon kay Jef Lusoc isang tricycle operator, dagdag pasakit umano sa kanila ang P10.00 pamasahe dahil limitado lamang umano ang kanilang maisasakay at wala na umano sila halos maiuwi sa kanilang tahanan bunsod pa ng taas presyo ng gasolina at maintenace maging ng mga pangunahing pangangailangan.

“Binalik po sa P10 pesos ang pamasahe kaya lang po limited lang po yung pasahero namin. Nakalagay dito limited lang po yung passenger per travel tapos increase pa on the fuel and food at basic necessities. Plus dinagdagan pa po yung limited na road to operate namin.”

“Siyempre napansin natin yung fuel tumataas pero minsan pag tumaas kapag may nagreklamo bumababa ng kaunti pero yung mga piyesa namin talagang pataas nang pataas.”

Dagdag pa ni Lusoc, hiling nila na gawin P12.00 hanggang P15.00 ang pamasahe.

“Wala pa naman kami sinabi na presyo, pinag-uusapan pa lang din namin, pinag-aaralan pa na P12.00 hanggang P15.00 na increase pero depende pa rin po yun sa magiging outcome.”

Para naman kay Lance Factor, okay lang umano sa kaniya kahit umabot pa ng P15 pesos ang pamasahe sa tricycle dahil naiintindihan niya umano ang kalagayan ng mga tricycle driver ngayong pandemya.

“Ok lang naman sa akin kasi hindi yan katulad noong dati na pwede silang magsakay ng limang pasahero. Ngayon naman dahil sa nararanasang pandemya, hanggang tatlo na lamang yung pwede nilang isakay samahan pa ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.”

Ayon naman sa Chairman ng Committee on Transportation na si City Councilor Jimbo Maristela, pinag-aaralan pa umano nila kung dapat ba taasan ang pamasahe sa mga tricycle.

“Tinitimbang kasi natin ng mabuti, kung dapat ba na itaas, kung magkakano ba ang dapat itaas. Ang napag-usapan kasi sa CTFRB yung kahilingan nila [tricycle operators] na payagan hanggang P12.00 sa unang dalawang kilometro at another P2.00 sa susunod na kilometro.”

Dagdag pa ng Konsehal, umaasa ito na naiintindihan ng ilang mga sektor ng lipunan ang sitwasyon ng mga tricycle operators sa lungsod.

“Maganda naman sapagkat yung ibang sector maiintindihan naman nila yung sitwasyon ng ating mga tricycle drivers na kung saan ipinaliwanag nila na mahigit 12 hours silang nagtatrabaho at ang take home nila is mga P300.00 to P400.00 lamang sa ngayon kaya gusto nila maitaas yung pamasahe. Pero di naman sobrang taas dapat kaya tinitimbang po natin.”

Samantala, ito ang unang public hearing patungkol sa kahilingan ng mga tricycle operators sa lungsod na itaas ang pamasahe. Plano namang magkaroon ng dalawa pang konsultasyon para malaman ang pulso ng taumbayan.

“May iba pa tayo gusto malaman sa kanila siyempre itong firts public consultation pa lang may mga susunod pa at kung pu-puwede tatlo (3) para makuha talaga natin yung damdamin ng ating mga kababayan.” -Konsehal Jimbo Maristela