Nakikiusap si Puerto Princesa City Councilor Elgin Damasco sa mga maninindang pinaalis sa bagsakan area ng New Public Market, Brgy. San Jose na makipagtulungan ang mga ito sa pamahalaang lokal dahil sila umano ang makikinabang at magiging prayoridad kapag natapos na ang Market Building na proyektong kasalukuyang ipanapatayo sa nasabing lugar.
Ayon sa naging panayam Damasco sa Palawan Daily News sa programang Newsroom, binabato umano ng mga manininda ang mga manggagawa ng nasabing proyekto.
“Kaya tulungan na lang na ‘wag natin pahirapan masyado yung kontraktor. Minsan daw binabato pa yung kontraktor diyan at yung mga empleyado. Wag naman sanang ganun total kayo lang din ang makikinabang niyan pagdating ng Nobyembre.”
Pinabulaan naman ito ng ilang opisyal ng samahan ng mga manininda. Wala naman daw silang sama ng loob sa nangyaring pagpapaalis sa kanila.
“Wala naman kaming balita dito. Wala naman po. Wala namang galit na vendors sa kanila. Nagulat din nga ako. Wala namang may nambabato.”
Dagdag pa ng mga manininda, nakapag-draw lots na ang mga naunang nagpalista kaninang umaga kung saang lugar sila ipupuwesto sa Agricultural Center, Brgy. Irawan.