PDN Stock Photos

City News

Konsehal Marcaida, nais ipatawag ang tatlong oil players sa Puerto Princesa; Konsehal Damasco, sumang-ayon at sinusulong na magkaroon na ng gasoline station ang Pamahalaang Panlungsod

By Jane Jauhali

July 12, 2022

Nais na ipatawag ni Konsehal Luis Marcaida sa Sangguniang Panlungsod ang tatlong big oil players dahil sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo sa lungsod kung saan layunin nitong malaman kung ano ang dahilan kung bakit hindi bumababa ang presyo.

Naniniwala ito na may magagawa ang Sangguniang Panlungsod sa matagal ng usapin patungkol sa petrolyo na labis na umaaray sa presyo ang mga motorista.

“Being an elected of the City I feel so obligated too…we have to do something…that I can do something and we can do something as Sangguniang Chairman of this City,” pahayag ni Marcaida sa ginanap na sesyon kahapon, Hulyo 11.

Bagaman naging usapin na ito noong 16th Council at ilang beses nang inaanyayahan ang tatlong oil players at nagsabi na nakabase ang mga ito sa presyo ng world market.

Sinang-ayonan naman ni Konsehal Elgin Damasco ang nais ni Marcaida na ipatawag ang mga ito, ngunit kanyang pinagdiinan na dapat na rin daw na magpatayo ng gasoline station ang pamahalaang panlungsod para sa presyong mababa kumpara sa mga big time oil players sa Puerto Princesa.

Naniniwala ito sa kanyang presintasyon, na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling gasolinahan ang pamahalaang panlungsod ay maaring ma-obliga ang mga bigtime oil players na pantayan ang kanilang magiging presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.

“Ang tanging solusyon at ako po ay naniniwala na ang tanging solusyon para mapababa natin ang presyo ng mga produktong petrolyo dito sa lungsod, ay ang paraan ng pagkompetensya sa mga oil players na napapanahon na po magtayo na ho talaga…isama na natin sa budget sa July at August. Mag-uusap na po tayo ng budget para sa susunod na taon, sana po masuportahan ng buong konseho at dapat na po mailagay sa budget ang pagpapatayo ng gasoline station owned and managed by the City Government of Puerto Princesa,” pahayag ni Damasco.

Dagdag pa nito, mayroon na rin daw umano silang nakausap na supplier at maging ang Budget Committee ni Mayor Lucilo R. Bayron patungkol sa planong pagtatayo ng gasolinahan na maaring maibigay sa murang halaga.

“Mayroon na tayong nakausap na supplier at nakausap narin ng ating Budget Committee ni Mayor Bayron ang isang supplier na kung ano po ang existing na presyo ngayon sa lungsod, pwede silang magbigay sa City Government ng 15 to 18 pesos, at magmark-up lang ang City Government ng limang piso may kikitain pa ang City,” paliwanag ni Damasco.

Samantala, mayroon na rin umanong lugar na pagtatayuan ng gasoline station ang pamahalaang panlungsod sa Barangay Irawan, Balayong Park at Barangay Kamuning na kung saan mayroong ginagawang palengke sa Barangay Salvacion.

Naniniwala rin si Konsehal Damasco na sa pamamagitan ng gasoline station ng Pamahalaang Panlungsod ay magiging epektibo ito at mapipilitan ang mga gasolinahan na magbaba ng kanilang mga presyo.

“Sa tingin ko ang mga motorista kung saan na mas mura doon sila at dahil may City Government own gasoline station, na mas mura wala na rin siguro magagawa ang ibang oil players kundi magbaba din ng kanilang presyo dahil baka wala ng pupunta sa kanila,” ani ni Damasco.

“Dahil simula ng maisabatas ang Oil Deregulation Law ay nakatali na ang kamay ng Gobyerno maging ang Pangulo ng bansa. Hindi lang ngayong taon na naging problema ang petrolyo kundi sa mga ilang taon narin ang nakakalipas dahil sa umiiral na batas,” dagdag pa ni Damasco.