Kasabay ng ika-28 anibersaryo ng pagkakalikha ng Strategic Environmental Plan (SEP) Law ay magkakaroon ng online contest ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa paggawa ng PCSD Hymn.
Ito ang inihayag ng spokesperson ng PCSDS na si Jovic Fabello sa panayam ng Palawan Daily News (PDN) kaugnay sa kung anu-anong mga aktibidad ang inihahanda ng kanilang tanggapan para sa nalalapit na anibersaryo kahit sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.
“It’s about time [dahil] sa 28 years ng SEP [Law], puro na lang tayo programang pangkalikasan ngunit tiningnan din namin, mayroon na rin kasi kaming Mission, Vision, pero parang wala tayong isang hymn na magba-validate ng ating existence dito sa Palawan,” ani Fabello.
Aniya, napapanahon nang magkaroon ng isang himno ang PCSD na pwedeng kantahin tuwing Flag Ceremony kada Lunes at Biyernes, gaya ng ibang ahensiya ng gobyerno.
“Kaya magpapa-contest kami para makapili kami…. At ‘yung gagawa ng hymn namin, dapat akma ‘yon sa Mission namin, Vision, Codes namin, ‘yung ethics namin,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa tagapagsalita ng PCSDS, nakapagsumite na rin sila ng proposal sa management at hinihintay na lamang ang approval.
Plano umano nilang kapag naaprubahan na ngayong araw, Hunyo 10 ay agad nilang ipapaskil sa kanilang social media account ang mechanics ng kompetisyon upang masimulan na ang pagpapadala ng mga entries na magtatapos naman sa Hunyo 17. Sa kasunod na araw naman, Hunyo 18 ay ita-tally na ang mga botong nakuha ng mga kalahok at ihahayag ang mga nagwagi sa araw mismo ng anibersaryo ng SEP for Palawan Law sa Hunyo 19.
“Hindi na tayo makapagse-celebrate ng face-to-face with the other sector ng lipunan, sa Palawan, gawa nga ng nasa MGCQ pa tayo and at the same time, talagang hindi na rin kakayanin for this year dahil hindi pa rin nawawala ang virus. Ang gagawin ng PCSDS, isi-celebrate namin ito with the theme, ‘Blessings, Significant and Implications’; puro [thru] online [lahat ng activities],” ani Fabello.
Kaugnay pa rin sa anibersaryo ng nasabing batas na natatangi lamang para sa Palawan at basehan kaya nalikha ang PCSD at ang implementing arm nitong PCSD Staff, magkakaroon din ng iba pang online competitions gaya ng photo contest na pinamagatang “Palarawan,” rap song contest na may titulong “Musikakilasan,”at poster making contest. Lahat naman umano ng paligsahan, sa proposal ng ahensiya ay may nakalaang malaki-laking papremyo.
“That would be an exciting competition na ang tema ay naka-geared towards protection, management ng ating kalikasan,” aniya.
Tagubilin ng ahensiya sa mga lalahok na sundin nang maigi ang mga criteria para sa sasalihang kompetisyon.
“May mga judge din tayo sa bawat contest. Isa na nga riyan sa Photo Contest si George Tapan na ita-tap natin na isa sa mga judge.
Kailangan ang photo na isa-submit mo, theme for the environment…hindi adulterated, hindi na-crop, hindi naayos sa digital kasi matitindi ang mga judge na kukunin natin,” pagpapabatid pa ni Fabello sa publiko.
Kapag maayos naman umano ang signal sa araw ng anibersrayo ay magsasagawa ang PCSD Staff ng Facebook Live upang mas marami ang makaaalam.