City News

Ordinansa para mas maprotektahan ang mga kabataan sa Puerto Princesa, isinusulong ng SK

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 07, 2021

Nakatakdang imbitahan ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa sa Lunes ang Pamunuan ng Baywalk at mga kaugnay na ahensya para talakayin ang krimen na naganap noong January 2.

Ayon sa Presidente ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng Puerto Princesa na si Myka Mabelle Magbanua, umaasa itong makakabuo ng ordinansa para maiwasan ang nangyaring krimen at maprotektahan ang mga kabataan ng lungsod.

“Eventually, that it may lead to a filing of an ordinance na lahat ho ng business establishments natin—public and private in nature at lahat po ng nag-o-offer ng cigarettes and alcoholic beverages, must post a signage na dapat ho walang menor de edad sa premises na ‘yon,” ani Magbanua sa pamamagitan ng phone interview.

Nakatakda rin umano siyang magbigay ng privilege speech sa gaganapin nilang regular na sesyon. Kataka-taka umanong hindi alam ng mga tenant ng Baywalk Park na may umiiral na ordinansang nagbabawal na pagbentahan ng alak at sigarilyo ang mga menor de edad. Ayon pa rito, lahat ng mga umuupa sa Baywalk Park ay may kontarta sa City Government dahil isa itong economic enterprise ng siyudad.

“Bawal po silang (mga menor de edad) bentahan ng alak at sigarilyo; malaking offense po ‘yon. Dapat hindi nangyayari ‘yon. Maybe, we could call the attention of the Baywalk Management at some of the involve tenants kung bakit nagkaganoon,” dagdag pa ng SK Chairman ng Brgy. San Jose na siya ring kinatawan ng mga lider-kabataan sa buong siyudad.

UGAT NG PAGSALI NG ILANG KABATAAN SA MGA GANG Ayon sa Hepe ng Puerto Princesa City Police Station 1 na si PCPT Ray Aron Elona, miyembro ng mga gang ang mga kabataang nasangkot sa krimen sa Baywalk kaya kanilang tinitignan pa ang posibilidad na may nag-utos sa mga kabataang nasangkot sa krimen.

Ayon naman sa President ng SK Federation sa Puerto Princesa, kinausap na umano nila ang grupo ng mga kabataang nasasangkot sa iba’t ibang mga paglabag gaya ng sa curfew, pagkasira ng mga ari-arian at ang nakapatay na mga kapwa kabataan upang matulungang mabigyan ng bagong direksyon ang kanilang buhay.

“We communicated with all their leaders, pati po ‘yong mga nasasangkot—‘yong mga heavily offenses na nasasangkot, na-try na po natin silang kausapin para po magkaroon ng barkadahan with Sangguniang Kabataan para po maibaling po ‘yong kanilang mga oras to a meaningful opportunities kaysa ma-involve po sa mga bayolenteng mga grupo,” aniya.

Ngunit ayon kay Magbanua, karamihan sa kanilang nakakausap na sumasali sa gang o nasasangkot sa gulo ay kadalasang may problema sa pamilya.

“Karamihan diyan, 95 percent ay may problema sa pamilya. Malaking porsiyento rin ang mga magulang nila ay mga teen-age before, so karamihan ay hindi rin ready sa parenthood. Factors [din] po, lalo sa panahon ngayon, lahat may access sa social media, sunod-sunod ho na balita tungkol sa mga patayan at kung anu-ano pa po. ‘Yong mga napapanood ng mga kabataan natin, really influences them to do something na hindi naman dapat nila ginagawa,” saad pa ng kinatawan ng mga kabataan.

HINDI ITO KAYA NG SK LAMANG Iniugnay din niya sa kahirapan kung bakit may mga kabataang pumapasok sa mga grupong may masamang impluwensiya. Kadalasan kasi, wala nang oras sa mga anak ang mga magulong dahil subsob sa trabaho. Idagdag pa ang epekto ng social media.

“Call din ho sa lahat ng law enforcement natin, sa media natin na sabi nga ho sa kanta ni Whitney Houston, ‘I believe that children are our future, teach them well and let them lead the way.” So, kung dati ang sabi, ‘It takes a village to raise up a child,’ now, ‘It takes a nation to raise up a child” dahil even ‘yong mga leader natin, even ‘yong mga nakikita nilang mga vlogger and other influencers, ginagaya po nila ‘yon, so, it really takes a whole nation to raise up a good child. So, hindi po ito kaya ng SK alone, we needed support of everybody,”

Sa mga katanungan naman ng publiko ukol sa mga ginagawa nilang interventions at mga programa para sa mga kabataan mula sa 66 barangay ng Puerto Princesa, binanggit niyang “napakarami” ng mga ito.

“Tayo ay may plans, we call this Comprehensive Barangay Youth Development Plans, Annual Barangay Youth Investment Programs, nakapaloob po riyan ‘yong nine centers of participations natin para sa mga kabataan….[Mayroon po tayong] iba’t iba pong mga programa when it comes to health, Anti-Drug Abuse, livelihood programs, capacity building programs, educational programs—lahat po ng related sa education para sa in-school and out-of-school youth. Mayroon din ho tayong vast support for the Pag-asa Youth Association of the Philippines, at priority program po natin ngayong 2021 po ‘yan dahil nga noong 2020, napabayaan ‘yong PYAP natin o ‘yong mga organization natin dahil nga sa pandemya,” ani Magbanua.

Ngayong 2021 umano, prayoridad ng SK Puerto Princesa na ma-reorganize ang out-of-school youth organizations sa lahat ng barangay na dadaan naman lahat sa validation. Layon umano nitong magbigay ng sapat na edukasyon, training at livelihood opportunities ang mga kabataan.

Ang face-to-face programs at mga aktibidades para sa mga kabataang nag-eedad 15-30 naman umano noong nagdaang taon ay iko-convert na lamang nila sa new normal kaya karamihan sa mga ito ay magiging online na pa-contest na lamang, online activities at mga Webinar.

ANO ANG GINAGAWA NG SK? Dagdag pa niya, sa ngayon ay laging nagsasagawa ng mga pagpupulong ang SK Federation. Sa katunayan umano, ngayong Linggo ay magkakaroon sila ng SK Federation Assembly sa 66 SK Chairperson sa buong Puerto Princesa City na dadaluhan din ni City DILG Director Eufracio “Bobb” Forones Jr.

“Sa amin po sa Sangguniang Kabataan, bilang mga kabataang lingkod-bayan, lahat po ng kritisismo, tinatanggap po namin ‘yan at itinuturing po namin ‘yan bilang constructive criticism kung saan, mapapalawig pa po namin o mapapaganda pa namin kung ano ang ginagawa pa ngayon ng SK,”

Bukas man sa kritisismo, hiling nito na magkaroon din ng oras ang mga mamamayan para alamin ang kanilang mga ginagawa. Aniya, kung pinanonood ng lahat ang vloggers at ibang influencers na puro kalokohan lamang ang ipinapakita, bisitahin din nila ang page ng SK ng Puerto Princesa upang makita ang mga programa at proyektong ng kanilang tanggapan.

Sa datos mula sa PSA noong 2015, umaabot sa 171,000 ang mga kabataang nag-eedad 30 pababa sa Lungsod ng Puerto Princesa. Sa dami nito, aminado silang hindi lahat ay kanilang naaabot. Pero lagi umano silang bukas sa mga rekomendasyon mula sa kapwa nila kabataan, mga magulang at mga nakatatanda.

“SKs have definite plans for our youth in every sector pero hindi talaga natin maiiwasan na may mga kabataan na hindi interesadong sumali, o may mga kabataang ayaw talaga sumali at all. Ang pinaninindigan po natin, we have current programs para po sa mga kabataan natin. Siyam po na center ‘yan—education, health, anti-drug abuse, governance, active citizenships, social-equity, peace building, at marami pa pong iba,” ani Magbanua.