City News

P12 na minimum fare sa tricycle sa Puerto Princesa, isinusulong

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 22, 2021

Hinihiling ngayon ng Federation of Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) in Puerto Princesa City, Inc. (FTODAPPCI) na madagdagan ng P2 ang minimum fare sa mga pampasadang tricycle sa lungsod at dagdagan din ng  25 sentimos ang bawat karagdagang kilometro.

Ayon sa Presidente ng pederasyon na si Efnie Lusoc, ito ang napagkasunduan ng kanilang  grupo at nakatakda silang maghain ng liham sa Sangguniang Panlungsod ukol sa kahilingan nilang taas-pasahe.

“Ang inisyal na pinag-usapan namin, from P10 to P12 na [ang magiging] minimum [sa] first two kilometers. Sa succeeding [naman]…magdadagdag kami sa existing [na P1.50] ng 25 centavos. So magiging P1.75 na,” aniya.

Ayon sa Ordinance No. 256, itinakda ang minimum tricycle fare sa Puerto Princesa City sa P10 para sa unang dalawang kilometro at P1.50 naman sa kasunod na mga kilometro. Nabago ito nang magkaroon ng pandemya.

 

RASON NG TAAS-PASAHE

Nang tanungin sa kadahilanan ng kahilingan nilang taas-pasahe, ipinaliwanag ni Lusoc na ito ay dahil sa pagtaas din ngayon ng gasolina, mga bilihin at sa mas mahabang ruta na kanilang tinatahak kasabay ng pagpapatupad ng pagbabawal ng mga tricycle sa national highways.

“Bakit kailangan [kaming] magdagdag [sa pasahe]? Kasi siyempre, kakain ng [mas maraming] gasolina [ang mas mahabang ruta na tinatahak namin ngayon]. So, sa layo ng iniikutan natin ngayon, kung hindi [rin] tayo magdadagdag sa succeeding [kilometers], mukhang malaki ang lugi namin do’n, considering na sa ngayon, mataas talaga ang gasolina natin, ‘yong mga prime commodities natin. Matataas na rin [ang presyo], pati ‘yong mga isda natin, mga karne, [at iba pang] bilihin,” komento niya.

Ngunit aniya, hindi nila hiniling ang sobrang taas na fare hike dahil nauunawan din naman umano nilang lahat ngayon ay apektado rin sa pandemya at pagtaas ng mga produkto.

“Hindi lang naman sa side namin ang kino-consider namin sa pagtaas ng pamasahe—kino-consider din natin ang mga consumer natin kasi kung tataasan natin ‘yon nang tataasan, eh papaano naman ‘yong mga pasahero natin?….Siyempre ‘yon, may mga kakulangan din pera ‘yon. Kung tataasan natin, baka mas lalong walang sumakay,” dagdag pa niya.

 

DADAAN PA SA KONSULTASYON

Ani Lusoc, kailangan nilang kumuha ng datos para masusugan kung bakit kailangang magtaas ng pasahe ang mga tricycle driver gaya ng presyo ng piyesa ng, gasolina, bilihin, at ng mga pagkain.

“May mga hinihingi sila (Sangguniang Panlungsod) patunay sa amin kung bakit kailangan kaming pagtaas [ng pasahe] at siguro doon sa sinabi naming halaga, pag-uusapan pa baka pwedeng tumaas o bumaba pa. Pwedeng maaprubahan din or hindi,” ayon pa sa pangulo ng TODA Federation ng lungsod.

Ngunit tiniyak niyang hindi kaagad-agad na maaaprubahan ang pagtaas dahil kukunsultahin pa rin ang publiko at ang iba pang stakeholders.

“Siyempre, hindi lang naman kami [ang naapektuhan ng pandemya at pagtaas ng mga bilihin sa ngayon], lahat naman ng sektor ay apektado, pero sa amin talaga, iniinda rin na talaga namin ang kita, siyempre bumaba ‘yon,” aniya.

Hinihingi naman ng mga tricycle driver ang pang-unawa ng mga commuter sa kung bakit kailangang humingi sila ng pagtaas kalakip ang paghihikayat na dumalo rin sila sa kasunod na mga public hearing upang marinig din ng TODA Federation members ang kanilang saloobin.

“Sana mag-attend din kayo ng public hearing para at least, malaman din namin ang side ninyo—kung tanggap ninyo ang paghingi namin ng pagtaas; pero sana mag-meet tayo sa gitna,” ani Lusoc.

Samantala, nakatakda namang iulat ni Kgd. Maristela sa plenaryo sa susunod na Lunes ang mga napag-usapan sa public hearing, kabilang din kung papayagan ang apat na sakay ng traysikel o babawasan ito dahil sa hindi malagyan ng plastic barrier sa harapang bahagi ng sidecar.

“Kasi wala talagang mailagay na barrier sa harap kasi mahirap nga. Pero kung titingnan natin, ang barrier ay para doon sa magkadikit lang [na mga pasahero] pero sa harap medyo malayo ‘yon. Kung may facemask o faceshield, siguro baka pwede namang i-allow ‘yon. Ang magkahawa-hawa lang naman ay kung magkatabi eh hindi naman magkatabi, may distansiya naman ng kunti—‘yong laway naman hindi naman tatalsik nang basta-basta [‘yon sa kaharap niya sa sidecar] dahil may faceshield naman, may facemask [silang suot],” aniya