City News

P200-M, inilaan ng City Gov’t sa COVID-19 response sa 2021

By Diana Medrina Cetenta and Gilbert Basio

November 11, 2020

Bahagya mang bumaba ang pondo ng Lungsod ng Puerto Princesa para sa susunod na taon ngunit tiniyak ng siyudad na kabilang sa mga bibigyan ng pokus ay ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa panayam ni Gilbert Basio sa programang Palawan Daily Newsroom kaninang umaga, Nobyembre 11, 2020, binanggit ni Committee on Appropriations Chairman Victor Oliveros na umabot sa P200 milyon ang inilaan para sa COVID-19 response mula sa naaprubahang P3,723,641,460.70 Annual Budget.

“So, ‘yong fights against COVID-19 naman po ay hindi rin nawala doon sa ating budget for 2021 dahil naglaan po tayo ng P200 million [para roon]. Kasama po riyan ‘yong medicines and other services, kasama rin po riyan ‘yong facilities po at saka augmentation po ng ating pwersa o ng ating mga personnel para po maharap natin ang challenges dulot ng COVID-19 dahil kulang nga po tayo sa manpower,” pahayag ni Oliveros.

Dagdag pa ng Konsehal, ito ay maliban pa sa naunang P100 million Supplemental Budget na nakahanda na para sa pagbili ng COVID-19 vaccine kapag ito ay handa na.

“Ang atin pong Punong Lungsod ay hindi nawala sa kaniyang isipan ‘yan. Mayroon po siyang [dati nang] ipinalalaan na P100 million na naka-standby po; although hindi niyo makikita sa pondo natin [para sa 2021] kasi ito pong year na ito [kinuha ang P100 million],” aniya.

Sa kabilang dako, ipinaliwanag din ng chairman ng Appropriations Committee kung bakit mas mababa ang 2021 Budget kumpara sa inilaang pondo ngayong 2020.

Ani Kgd. Oliveros, sa dalawang source of income ng Puerto Princesa—ang Internal Revenue Allotment (IRA) at local taxes/local revenues—ay humina ang huli dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19.

“Doon po sa IRA, patuloy pong tumaas ‘yon na in-expect naman po natin na tuloy-tuloy na tataas. Ito po ay nasa P3.2 billion whereas noong last year ay P2.99 [billion] lang po. ‘Yong malungkot, ‘yon pong ating local taxes o local revenue ay bumaba po ng halos mga 20 percent,” aniya.

Ani Oliveros, sa dating P700 milyon na kita mula sa lokal na buwis, sa ngayon umano ay nasa P500 milyon na lamang.

“Ito po kasi ay dulot nga po ng pandemya. ‘Yon pong supposedly na collectibles natin ngayon o revenue natin ngayon ay talagang tinamaan po. ‘Yon pong economic activities po natin, lalo’t higit po ‘yong sa tourism ay talagang huminto. Aside from that, ‘yon pong business activities po natin dito sa atin sa lungsod, gayundin po, huminto rin po which is worldwide naman ‘yong ganitong effect,” ayon kay City Kagawad Oliveros.

Ngunit sa kabila aniya ng hamon dulot ng COVID-19 pandemic ay hindi tumigil sa pagbibigay ng serbisyo, mga programang pangkaunlaran, at mga mapagkalingang proyekto ang pamunuan ng siyudad na patuloy umanong maaasahan ng mga mamamayan, maging sa susunod na taon.

Tiniyak din ni Oliveros na gugugulin ang pondo ng tama at maayos na kapamaraanan.

Samantala, nakiusap ang konsehal sa mga mamamayan ng lungsod na patuloy na sundin ang mimimum health standards para makaiwas sa nasabing nakahahawang sakit.