Inaprubahan na ng Sangguniang Panglungsod sa ginawang special session noong Huwebes, ika-13 ng Disyembre, ang mahigit P3-bilyon pondo ng City Government ng Puerto Princesa para sa susunod na taon.
Walang konsehal ang nagpahayag ng pagtutol ng ilatag sa plenaryo ang panukalang budget.
Ayon kay City Councilor Jonjie Rodriguez, ang lima sa nabigyan ng pinakamalaking pondo ay ang mga sumusunod: City Engineering Office, City Environment Office, City Social Welfare and Development Office , City Agriculture Office at ang City Health Office.
Tiniyak ni City Councilor Rodriguez, Chairman ng Committee on Appropriations, na hindi mababaalam ang mga proyektong nakapaloob sa 3.3 bilyong pisong panukalang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Rodriguez, kumpleto umano ang mga documentary requirements nito lalong-lalo na ang mga program of works ng proyekto.
Sinabi pa ni Rodriguez na hindi nila isinama ang mga proyektong walang kumpletong papeles at program of works para hindi maulit ang nangyari noong nakalipas na taon kung saan nadelay ang pagpapagawa ng mga proyekto ng City Government.
Matatandaang katakot-takot na batikos ang inani ng pagkabinbin ng mga malalaking proyekto ng City Government dahil kahit may nakalaang pondo na ay hindi parin ito nagagawa hanggang ngayon.