Kabilang sa mga natuwa sa desisyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na payagan na ang angkas sa mga mag-asawa at mag-live in partners simula ngayong Hulyo 10 ay ang mga mamamayan ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa negosyanteng si Anthony Baisa, na noon pa man ay maingay sa social media upang kalampagin ang mga kinauukulan na payagan ang angkas sa magkabiyak at magkarelasyon, labis niyang ikinatuwa ang nasabing balita.
“I’m very happy at pinayagan na rin umangkas ang mag-asawa o magkarelasyon na nakatira sa iisang bahay. Malaking tulong ito sa kanila sa pagpasok sa trabaho,” ani Baisa.
Nilinaw naman ni Baisa na hindi para sa kanya ang isinusulong na pagpayag sa angkas kundi para sa kanyang mga trabahante sa kanilang bakery at sa lahat ng mga naka-motor na labis umanong nahihirapan ngayong panahon ng pandemya.
“Ramdam na ramdam ko [ang] paghihirap nila sa araw-araw na pagko-commute. Marami sa kanila ang napilitan na lang huminto sa pagtatrabaho dahil bukod sa hirap kumuha ng masasakyan ay doble pa ang pamasahe ngayon,” aniya.
Umaasa lang umano siyang hindi magdulot ng aksidente ang harang na ni-require ng mga kinauukulan na ilagay sa pagitan ng drayber at ng angkas.
“Para sa akin sobrang useless ang pinapalagay na harang dahil magkatabi naman sa ang magasawa sa pagtulog. Pero above all, sigurado ako, marami ang matutuwa dahil kahit papaano pwede na ihatid at sunduin ni mister si misis sa trabaho,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat din sa mga kinauukulan ang commuter na si Yhenn Mal Dhita na isa rin sa mga kumukwestiyon noon sa hindi pagpayag sa angkas para maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19 ngunit mas nalalabag pa ang social distancing ng mga sumasakay sa public transport vehicle.
“Salamat naman po at pinayagan na ulit [ang] angkas sa motor [ang mga] mag-asawa or live in partner kasi po, ang hirap sumakay ng [multi-]cab lalo na po sa akin na may work at gabi na ang uwi. Siksikan [kasi] lagi sa cab, [at] kung sumakay [ka], nagkakabanggaan pa…dahil po nag-uunahan. Mas okay na po sa ‘kin ‘yong binalik ‘yong angkas sa motor, di na po nakakahalubilo ang maraming tao,” aniya.
Maging ang chairman ng Committee on Transportation na si City Councilor Peter “Jimbo” Maristela ay natuwa rin sa update sa nasabing usapin na aniya’y, makakatulong ng malaki sa magpamilya.
“Nagpapasalamat tayo at pinagbigyan ito ng IATF. Dahil malaking bagay ito sa mag-asawa na pwede na niyang iangkas ang kaniyang asawa, at di mamamasahe pa,” ayon pa kay Kgd. Maristela.
Matatandaang inanunsiyo ng DILG kahapon ang pagpayag sa angkas, bagama’t para lamang sa mga magkabiyak o magkarelasyon, at kasama ang mahigpit na pagsunod sa health protocols, alinsunod sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (AITF-MEID).
Maliban sa pagsusuot ng facemask, kabilang din sa health measures ang paglalagay ng barrier na ibabatay naman sa prototype design na isinumite ni Bohol Gov. Arthur Yap na inaprubahan na rin ng National Task Force for COVID-19.
Maliban dito, inanunsiyo rin ng mga kinauukulan na hihingan sa checkpoint ng mga pagkakailanlan at mga kinakailangang dokumento ang mga sakay ng motorsiklo na kung saan, kailangang kung sila ay kasal ay dapat pareho ang kanilang apelyido at kung magkarelasyon naman ay pareho ang address.