Ilang residente pa rin ng Lungsod ng Puerto Princesa ang nagtatanong sa ipinatutupad ng pagbabawal ng angkas kahit sa mga mag-asawa o magkakasama sa iisang tirahan gayong nagpapatuloy naman ang paglabag ng ilan sa social distancing sa mga sasakyang pampubliko.
Sa post ni Yhenn Mal Dhita sa kanyang social media account kamakailan, hindi niya maiwasang ilabas ang saloobin sa kanya aniyang personal na karanasan.
“Sa motor bawal angkas kahit mag-asawa. Sa tricycle bawal din [na] dalawa [ang] sakay, pero bakit sa multicab na nasakyan ko siksikan ang sakay? Sa’n [ang] hustisya nito? Akala ko ba social distancing? Ang galing naman!” aniya.
Ayon kay Yhenn, kuha niya ang mga larawan sa loob ng sinakyang multicab bandang alas kuwatro ng hapon noong Huwebes, Hulyo 3, nang pauwi na siya ng Honda Bay sa Brgy. Sta. Lourdes.
Sa isang hiwalay namang post ni Anthony Baisa, binigyang-diin niya na mas makatutulong pa sa pag-iwas sa Coronavirus disease-2019 (COVID-19) kapag payagan ang angkas kung kabiyak naman ang sakay o kinakasama.
“Please stop pointing fingers! Habang pinatatagal n’yo pa ang pagbabawal sa pag-angkas sa motorsiklo ng mag-asawa at mag-live in partner, mas higit n’yo pang inilalagay sa panganib ang buhay ng mga tao sa pag-commute,” ani Baisa.
Kaya pakiusap na niya sa mga alkalde at sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa lungsod at lalawigan ng Palawan na magsilbi silang boses ng mga taong humihiling na mapayagan na ang angkas kung asawa naman o kaanak ang isasakay.
Samantala, sa ngayon ay nasa 46 na ang naitalang confirmed cases ng COVID-19 sa buong probinsiya na karamihan ay dahil sa community transmission. Sa kabutihang-palad, nasa 19 na lamang ang active cases ng Palawan at 15 naman sa Lungsod ng Puerto Princesa.