Mariing pinabulaanan ni Punong Barangay Ronaldo “Mong” Sayang ng Barangay Sta. Monica ang kumakalat na balita sa social media na isinailalim sa lockdown ang kanilang barangay kasunod ng impormasyong anim na residente nito ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa panayam ng Online Radio Program na “CHRIS ng BAYAN” ng Palawan Daily News sa kapitan, sinabi nitong “fake news” ang mga kumakalat sa Facebook.
Ayon dito, walang lockdown sa barangay kahit sa mga Purok kung saan nakatira ang mga nagpositibo sa virus bagkus ay mahigpit na home quarantine lamang anya ang kanilang ginawa at binabantayan ito ng mga tanod at opisyales ng barangay.
“Wala pong lockdown at ang ginagawa lang natin ngayon ay mahigpit naming ipinapatupad ang curfew, pagsusuot ng face mask at social distancing. Mahigpit din nating binabantayan ‘yong lugar kung saan naroroon ang bahay ng mga nagpositibo sa COVID talagang naka-exclusively home quarantine sila,” ani Sayang sa panayam ng Palawan Daily News.
Sinabi rin ni Sayang na hindi nahawaan ng limang nagpositibo sa COVID sa kanilang barangay ang nadagdag na isa pa ngayong araw.
“Malayo ang distansya nila at hindi sila magkakilala o magkaano-ano. Ibang Purok sila at sa possibilities ko at personal opinion, walang community transmission pa within Barangay Sta. Monica. Posible na nakuha n’ya ito sa labas or outside Barangay Sta.Monica dahil based sa informations na nakuha ko, lumalabas kasi itong bagong positive sa COVID ngayon kaya posible na sa labas n’ya nakuha ‘yon at hindi doon sa unang mga nag-positive sa amin,” dagdag ng Punong Barangay.
Sa mga pangyayaring ito, tuloy ang apela ni Sayang sa mga residente sa lungsod na huwag naman silang iwasan o pandirihan dahil wala anyang may gustong mangyari ito. Sunud-sunod na kasi anya ang mga natatanggap nitong ulat ng diskriminasyon mula sa kanyang mga nasasakupan.
“Kami po dito sa Sta. Monica, as is parin po kasi kami po ang nakakaalam ng sitwasyon. Ang malungkot lang kasi, nakakaranas ng discrimation ‘yong mg aka-barangay ko tulad ng isa na nagsumbong sa akin na ayaw na s’yang papasukin sa trabaho dahil taga-Sta. Monica daw s’ya. Kawawa naman po kami kung ganun kaya sana huwag naman po dahil walang may gusto nito,” lahad ni Sayang.
“Iba po kasi ang lumalabas sa ibang barangay lalo na sa social media. Hindi naman po namin nililihim na may anim na nagpositibo dito pero hindi naman po ibig sabihin nito na lahat kami ay kontamindo ng virus. Isa lang po ang hinihiling ko, ‘wag naman po sana kaming dini-discriminate at as Kapitan po, I certify na okay po kami dito,” dagdag na panawagan ng kapitan.