Kasama sa mga labis na natuwa sa pagbabalik ng pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at ng Values Education sa paaralan ay ang mga guro sa probinsiya ng Palawan.
Sa panayam sa gurong si Sherilyn Redison ng Binduyan Elementary School sa Brgy. Binduyan, Lungsod ng Puerto Princesa, sinabi niyang “napapanahon talaga na maibalik ang GMRC sa ngayon.”
“Para sa akin bilang isang guro sa elementarya, malaki ang maitutulong ng pagbabalik ng GMRC bilang isang asignatura ng K to 12 Curriculum sa paghubog ng ugali at pagkatao ng isang mag-aaral, lalo na sa kasalukuyang panahon na kung saan ay malaki ang impluwensiya ng modernisasyon sa mga kabataan,” ayon kay Redison sa pamamagitan ng chat message.
Aniya, magiging kaagapay ng Kagawaran ng Edukasyon ang GMRC sa pagpapatupad ng core values ng ahensiya na Maka-Diyos, Maka-Tao, Maka-Kalikasan at Maka-Bansa.
“Mahalagang mahubog ang karakter ng isang bata sa kanyang murang edad sa paraalan upang makita niya ang kanyang halaga bilang isang tao at matuto siyang irespeto at pahalagahan ang iba. Kung mapapansin kaso natin, napakataas ng mga cases ng bullying sa loob ng mga paaralan ngayon; ibang-iba na po ang kabataan ngayon,” dagdag pa ng gurong si Redison.
Siya man umano ay hindi rin nakaligtas sa pambabastos ng isang mag-aaral nang sagot-sagutin siya ng isang Grade 6 pupil.
Ayon naman sa science teacher na nagtuturo sa senior high school sa Quezon Panitian National High School sa Bayan ng Quezon, Palawan na si Alexander Alcazarin, bilang guro at isang magulang ay lubos niyang sinusuportahan ang nasabing batas. At gaya ng nabanggit ng gurong si Redison, aniya “napapanahon ito sa ngayon.”
“Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na maraming mga kabataan ang halos wala ng respeto sa nakatatanda, maging sa mga guro; hindi man lahat, pero marami sa kabataan ngayon ang nasasangkot sa mga maling gawain. Kung ito (GMRC) ay muling maisasama sa pagtuturo ng mga guro, ay mas may pagkakataon nang maitatanim sa isip ng bata, ang salitang ‘respeto’ at ‘pagpapahalaga sa kapwa,’ lalong-lalo na sa murang kaisipan ng mga ito,” ani Alcazarin.
Suporta at pagkatuwa rin ang ipinaabot na reaksyon ng gurong si Analiza Alvarez ng Babuyan National High School (BNHS) sa Brgy. Babuyan na sakop din ng lungsod.
“GMRC ‘yan noon tapos naging Edukasyon sa Pagpapahalaga. Ang masama lang sa pagbabago, eh, kulang sa oras, gaya ngayon, two hours in one week lang. Pa’no kung lagi pang wala si teacher sa time na ‘yon? Di naloko na lalo!” aniya.
Sa 20 taon umanong pagtuturo ni Alvarez ay hindi naman niya naranasan ang ganoon katinding pambabastos ng mga estudyante sapagkat kaya niya itong dalhin ngunit ang higit na nakalulungkot lamang umano ay ang makita ang iba niyang mga kasamahan na ganoon na lamang kung hindi respetuhin ng mga mag-aaral.
“May sumagot pa nga sa guro at nagsabi ‘Katagal-tagal mo ng guro, wala ka pa ring kwenta!’ Tama ba naman ‘yon? Di pa ‘yan nakainom ha, nasita lang. ‘Yong naabutan ko [rin], isang guro, banat discuss tapos [ang] mga student, banat din ML sa likuran [bahagi ng klase]. Ako ang na-stress tumingin kaya minsan, di rin ako makatiis, pinagsasabihan ko sila,” dagdag pa niya.
“Kahit nga ‘yong pagtulong sa mga guro na mabigat ang dalahin eh, mga five percent na lang ang makikitang may malasakit,” dagdag pa niya.
BABALA NG DEPED
Sa tanggapan ng DepEd-Puerto Princesa City naman, tiniyak ng tagapagsalita ng Kagawaran na si Gina Francisco na hindi nila palalampasin ang pagpapaliban sa klase ng guro sa GMRC at Values Education. Kaya pakiusap niya sa lahat na kung sinuman ang nakaaalam ng ganoong sitwasyon ay agad lamang na ipagbigay-alam sa kanila upang agaran din nilang maaksyunan.
AKSYON NG PAMAHALAANG NASYUNAL
Sa kabilang dako, matatandaang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11476 o ang “An act institutionalizing GMRC and Values Education in the K to 12 curriculum” noong ika-25 ng Hunyo na unang ipinagpasalamat at ikinatuwa ng sektor ng edukasyon.
Sa official statement ng Department of Education (DepEd) na naka-post sa kanilang Facebook page na “DepEd Philippines” noong Hunyo 26 na kumakatawan sa lahat ng dibisyon ng Kagawaran, nagpaabot sila ng pasasalamat sa presidente at sa mga mambabatas na sumuporta upang maisabatas ang pagbabalik ng nasabing asignatura sa eskwelahan.
“We thank our President, legislators, and advocates for their support to DepEd in further empowering our youth to contribute to nation-building while protecting their physical, moral, spiritual, intellectual, and social well-being,” batay sa post. “With this law, and our nation’s aspiration to guide our youth to the right path, we look forward to raising more Filipinos who are Maka-Diyos, Maka-tao, Makakalikasan at Makabansa.”
Sa pahayag ng DepEd, bagama’t nagbibigay na ng leksyon hinggil sa GMRC at Values Education sa K to 12 curriculum sa ngayon, lubos pa rin nilang pinahahalagahan ang mahalagang papel ng RA 11476 sa pagpapalakas pa sa kakayanan ng mga kabataan sa pagdedesisyon, sa pag-uugali, at mga gawi, lalong-lalo na umano sa panahon ngayon.
“We will be teaching 313 Most Essential Learning Competencies (MELCs) from Grades 1-10 this School Year 2020-2021,” ang tiniyak pa ng ahensiya.