City News

Pagbabawal nang pagtitinda ng isda at karne sa talipapa ng Brgy Sicsican, inalmahan

By Gilbert Basio

January 30, 2021

Umani ng negatibong reaksyon sa mga manininda sa talipapa ng Barangay Sicsican ang kahilingan ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron sa mga opisyales ng barangay pagbawalan ang pagbebenta ng isda at karne.

Ayon kay alyas ‘Manong Boy’, isang manininda sa talipapa, marami sa kanila ang umaasa sa pagtitinda at kung pagbabawalan sila o aalisin, dapat umanong may kaukulang solusyon para patuloy ang kanilang hanap-buhay.

“Lahat apektado. ‘Di lang tayo, buong mundo pa eh. Kung ngayon mo tatanggalin yan, paano na lang yung mamamayan na umaasang makakain man lang kahit papaano? Doon tayo sa totoo. Ano ba ang solusyon? Hindi yung tanggal. Andiyan na yan eh, ang isang lugar umuunlad talagang kasama yung mga ganiyang klaseng [negosyo] pero ano muna yung solusyon? Hindi yung tanggal dito tanggal doon. Solusyon muna, long term solusyon. Ito mabuti [at] ito maganda para sa lahat na [para] yung mga tao pare-parehas makikinabang. Solusyon ang kailangan natin.”

Dagdag pa nito na kailangang sumunod sa batas pero hiling niya sa mga opisyal ay magkaroon ng puso sa pagpapatupad nito lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Ang batas ay batas pero yung nagpapatupad yung dapat may puso. Kahit yung judge naga-hustisya, ginagamitan ng puso yan. Hindi porke’t kriminal [ay] kriminal na [kasi] maaaring may dahilan yan. Gamitan mo ng puso pero ipapatupad mo parin yung batas.”

Ganito rin ang naging tugon ni Mae, isang tindera ng karne sa talipapa ng Brgy Sicsican. Kung paaalisin aniya sila ay may ibibigay ba na ibang puwesto sa lumang palengke sa kanila o hanap-buhay dahil sa ngayon umano ay pagtitinda lamang ang pangunahing pangkabuhayan ng kaniyang pamilya.

“Bilang nagtitinda dito sa tinatawag nilang talipapa, siyempre ito yung paninda namin. Ano bang pribilehiyo na ibigay sa amin kung sakaling itigil namin yung ganitong klase namin paninda. Kasi dapat sa palengke lang eh wala nga kaming puwesto dun, bibigyan ba kami ng puwesto?”

“Ngayon, kung ihihinto namin yung aming kabuhayan eh ano naman ang ipapakain namin sa pamilya namin? Kasi wala naman kaming ibang kabuhayan. Kasi yung sinasabi nila [ay] iligal kami [pero] willing kami maging legal. Sila lang yung ayaw bumigay sa amin ng permit…”

Sa panayam naman kay Kapitan Balbino Parangue ng Barangay Sicsican, gagawa umano ito ng hakbang at makikipagpulong sa mga manininda ng talipapa upang maipatupad ang kautusan ni Mayor Bayron.

“Totoo po yun na sinabi ng ating punong lungsod na talagang ipagbawal na yung mga meat products tulad ng karne at isda. Wala po tayong magagawa kundi sundin ang utos ng ating punong lungsod kaya siguro magpapatawag ako ng meeting sa lahat ng mga vendors within this week para ipaabot ko sa kanila yung paalala ni Mayor.”