Photo Credits to 44th Sangguniang Panlalawigan - Palawan

City News

Paggunita sa araw ng pagpaslang kay Doc Gerry Ortega, nais gawing Provincial Ordinance

By Jane Jauhali

January 26, 2023

Isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan sa kasalukuyan na ideklara ang araw ng Enero 24 bilang araw ng paggunita sa kamatayan ng napaslang na environmentalist at broadcaster na si Doctor Gerry Ortega.

 

Sa ginanap na regular session ng Sangguniang Panlalawigan noong Martes, Enero 24, ay nagpasa ng panukala si Board Member Ryan Maminta na gawing batas ang araw kung saan pinaslang si Ortega at tuluyang ideklara ito bilang “Gerry Ortega Memorial Day.”

 

“Sa pagkakaroon ng Gerry Ortega Memorial Day sa probinsya ng Palawan ay maalala natin ang mga gawa at mahuhusay na ehemplo ni Doc Gerry Ortega,” ani Maminta.

 

Aniya, sa pamamagitan nitong pagdeklara, bagaman wala pang hustisya ay patuloy na maaalala ng mga kababayan bilang isang mahusay na Palaweño si Ortega, gayundin ang katapangan nitong pagsisiwalat ng katotohanan at pakikibaka nito laban sa mga anomalya sa gobyerno ng Palawan.

Plano rin gawing special non-working holiday ang Enero 24 kung ang panukala ay tuluyan ng maisasabatas.

 

“Wala pa tayong kapangyarihan na magdeklara ng special holiday pero kapag isa na siyang ordinansa puwede na natin siyang hilingin sa Opisina ng Pangulo na ideklara siyang official holiday sa ating lalawigan,” ani Maminta.

 

Nais din ng bokal na isulong ang panukala ni Board Member Winston Arzaga na hikayatin ang mga congressman ng probinsya na magpa nukalang batas na pursigihin ang pag-aapruba ng batas para naman sa deklarasyon nito sa buong Palawan.