City News

Pagkakaroon ng negosyo, isang pribelehiyo at hindi karapatan -BPLO

By Angelene Low and Gilbert Basio

January 12, 2021

Ipinaalala ngayon ng Puerto Princesa Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa mga nagnenegosyo ang kahalagahan ng pagsunod sa mga ipinatutupad na batas. Lalo na sa mga nagtatalipapa sa lungsod.

“So ngayon ibinaba na nga yung kautusan kasi ginawa na natin lahat ‘no at nakiusap nga tayo doon sa mga may-ari ng talipapa na kung pwede sundin natin ang batas kasi sila pinagbigyan na [at] tayo naman yung pagbigyan nila ngayon,”ani Thess Rodriguez ng BPLO.

Base umano sa kanilang talaan, mahigit 500 na lamang ang bilang ng mga talipapa na lumalabag pa rin sa market code.

“Base sa ating tanggapan, umaabot na lamang sa 500 plus yung mga talipapa. From 1000 plus nareduce natin yan ng 500 plus. And we want to thank them na nakiki-isa sila sa atin. Kasi kung pasaway po sila eh magiging grounds po yan na hindi sila mabigyan ng pagkakataon na makapagtinda,”pahayag pa nito.

Ayon pa kay Rodriguez, inilagay na nila sa listahan ng may Red Flag ang mga may nagtatalipapa na hindi sumunod sa kanilang pakiusap na umalis. Dahil dito, hindi na sila mabibigyan ng pagkakataon na magkapuwesto.

“Yung ating pamahalaan kundi gumagawa ng paraan para kung saan sila mailalagay kasi kung pasaway po sila eh magigigng grounds po yan na hindi sila mabigyan ng pagkakataon na makapagtinda. Kasi kailangan law abiding citizens din tayo para makakuha rin tayo ng benepisyo sa gobyerno. Kasi, naka-red flag po yung mga names ng mga kababayan natin na may talipapa at may grounds po tayo na hindi po sila pagkalooban [ng Business Permit]. Again ang pagnenegosyo po ay isang pribelehiyo ngayon [at] hindi po yan karapatan.”

Ayon pa rito, pinag-aaralan na ng Sangguniang Panlungsod na baguhin ang kasalukuyang market code upang payagan ang pagtatayo at pag-operate ng pribadong palengke.

“Meron pang mga private na palengke and ito ay depende kung maaaprubahan na yung ating market code. Medyo nabinbin nung December [kasi] nakulangan ng oras na para talakayin sa sanggunian. Pero nasa kumite…na po yan at malapit-lapit na po yan maaprubahan. [At] kung saka-sakali po kahit na yun ay private yan pa rin ay under still ng administration supervision ng ating market superintendent,” dagdag pa nito.

Samantala, itinakda ng DILG Memorandum Circular No. 2020-145 sa January 15 ang deadline ng mga Local Government Units upang ipatupad ang road clearing o pagtanggal ng mga nakasagabal na mga istraktura sa mga kalsada. Kasama rito ang mga talipapa na nakahambalang sa side walk.