Posibleng maparusahan ang mga kawani ng gobyerno na hindi tatalima sa kapapasa pa lamang na Palawan Transparency and Freedom of Information Ordinance of 2019 na kung saan ang sinumang government official ay maaaring maparusahan ng reprimand sa unang paglabag, pagkasuspinde ng 5 hanggang 30 araw sa ikalawa, at pagkatanggal sa serbisyo sa ikatlong paglabag base na rin sa nilalaman ng ordinansa.
Ayon sa may akda na si Palawan 2nd District Board Member Ryan D. Maminta, kung sakaling mapatunayan na ang isang opisyal ng gobyerno ay hindi ibinigay ang hinihinging dokumento na maituturing na public record at hindi banta sa local and national security, posible siyang maparusahan.
“‘Yong paglabag na ito ng mga opisyal ng gobyerno na inatasan na ipatupad ang ordinansa, kung may mga impormasyon na talagang ini-hold nila at hindi ibinigay sa publiko samantalang ito naman ay classified as a public record na hindi makakaapekto doon sa national security at sa iba pang mga nakasulat sa ordinansa na hindi dapat ilabas, sila po ay mayroong kaparusahan na maaaring makamtan kung sakaling hindi nila sinunod ‘yong ating ordinansa. Mayroon pong 1st offense, 2nd offense, 3rd offense, at baka magdulot pa ito ng administrative sanction,” ani Maminta.
Layunin umano ng ordinansa na magkaroon ng transparency at maka-access ang mamamayan sa mga impormasyon sa Pamahalaang Panlalawigan.
“Ito ang ordinansa na nais magpalakas at mag sulong ng pagpapalawig ng karapatan ng mamamayan natin na magkaroon ng mga impormasyon at kaakibat na impormasyon. Ganoon din ang pagsusulong [ng] transparency o ‘yong tinatawag na good governance sa Pamahalaang Panlalawigan upang magawa ang ating mga mandato nang matino, mahusay at maaasahan,” dagdag pa ni Maminta.
Samantala, sa ngayon ay hinihintay na lamang na malagdaan ni Governor Jose Chavez Alvarez ang ordinansa.