City News

Pagnakaw ng babae sa isang hostel, sapol ng CCTV

By Kia Johanna Lamo

October 09, 2018

Huling-huli sa CCTV ang isang babae matapos nitong buksan ang locker ng isang local tourist nang magpa-book ito sa kanilang hostel. Tuloy-tuloy sa locker ang suspek na si Marylle Mae Velarde at binuksan ang locker, matapos ang ilang segundo ay nakakuha na ito ng perang pakay niyang nakawin sabay alis na tila ba ay walang nangyari.

Banta ni Chief Insp. Mark Allen Palacio ng City PNP Police Station 1 ay ganito ang estilo ng iilang mga kawatan kung saa’y kakausapin ang nais biktimahin, kakalap ng impormasyon at nanakawan kapag aalis na upang hindi na makakapagreklamo.

“Yang mga style ng mga yan, kakausapin nila ‘yung mga bibiktimahin nila. Aalamin kung kelan yung flight, then pagnakuha nila ang information na kailangan, saka nila nanakawan kung saan paalis na para di na makapag-file ng complaint,” saad ni Palacio.

Noong una ay itinatanggi pa ito ng biktima ngunit noong ipinakita ang kuha ng CCTV ay napilitan itong umamin na nakatimbog siya ng 300 dollars na katumbas ng P6,000. “Nagagalit pa nga noon una, tinatanong kami bakit di kami naka-uniform tapos ayaw pang umamin. Noong sabi ko may CCTV copy kami, saka pa siya umamin at sumama dito sa PS1,” dagdag ni Palacio.

Gumawa ng sworn statement si Velarde na inaamin nito ang pagkuha ng pera sa locker ng biktima at nangakong sasagutin din nito ang plane ticket ng mga biktima nito. Nagbigay naman ng babala si Palacio sa iba pang establishment na gumagawa ng ganitong modus na itigil na ito at wag nang tularan pa nang iba.

“Paalala natin sa iba pang mga establishment na baka ganito rin ang kanilang modus, tigilan na nila, dahil may mga paraan ang PNP para mahuli ang ganitong mga modus,” paalala ni Palacio.