Nasa tatlo katao o higit pa ang posibleng pumatay sa dalawang lalaki sa Bgy Sta Cruz, Puerto Princesa City kahapon September 15.

City News

Pagnanakaw ng manok, marijuana, posibleng dahilan sa pagpaslang sa dalawang lalaki

By Michael Escote

September 16, 2019

Nasa tatlo katao o higit pa ang posibleng pumatay sa dalawang lalaki sa Bgy Sta Cruz, Puerto Princesa City kahapon September 15.

Ayon kay Police Major Edgar Salazar, Hepe ng Puerto Princesa City Police Office Station 2, hindi kakayanin ng isang suspek na patayin ang dalawang biktima dahil manlalaban ang mga ito kaya hinala niya mahigit tatlo katao ang gumawa nito sa mga biktimang sina Henry Gazo Jr, at Prince Ivan Jovelo, parehong nasa tamang edad at pawang mga residente ng Purok El Rancho, Bgy Sta Monica,Puerto Princesa City.

Kinumpirma naman ni Salazar na pagnanakaw ng manok ang isa sa kanilang iniimbestigahang motibo sa krimen dahil may nakitang sulat sa bangkay ng mga biktima kung saan nakasaad dito na “huwag tularan magnanakaw ng manok, Bing susunod ka na.”

Base rin umano sa kanilang pag- iimbestiga, si Gazo ay dati nang inireklamo sa pulisya dahil sa pagnanakaw.

Magkagayunman, inamin ni Salazar na sa ngayon ay bigo pa silang matukoy ang mga salarin dahil wala pang lumulutang na testigo kaya nananawagan siya sa mga makakapagturo sa mga kriminal na makipagtulungan sa kanila.

Nawawala rin umano ang mga cellphone ng mga biktima at madilim sa lugar ng mangyari ang krimen. Kumukuha na raw sila ng mga CCTV footage sa mga posibleng dinaanan ng mga biktima bago sila patayin.

Makakatulong rin umano sa pagresolba ng kaso kung lulutang ang isang alyas Bing na nakasaad sa sulat ng mga suspek dahil posibleng kakilala umano niya ang mga gumawa ng krimen.

Samantala, maliban sa motibong pagnanakaw , isa sa mga iniimbestigahan rin ngayon ng pulisya ay ang impormasyong may kinalaman ang mga biktima sa bentahan ng Marijuana.

Ayon sa source ng Palawan Daily News, may nakuhang impormasyon ang otoridad na noong gabi ng Sabado ay bumili ng marijuana ang isa sa mga nasawi ngunit hindi pa ito kinukumpirma ng City PNP dahil patuloy pa umano ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa krimen.

Matatandaang nakita ang mga bangkay nina Gazo at Jovelo sa isang traysikel na laslas ang mga leeg at nakagapos ang mga kamay.

Lawarang kuha ni Russle Wesbrook Okc.