Kinukwestyon ngayon ni Konsehal Jimbo Maristela ang pagpirma ni City administrator Arnel Pedrosa sa Veto Message ni Mayor Lucilo Bayron ukol sa isinumite nilang Ordinance No. 1062 na nagpapahintulot sa lahat ng mga pampubliko at pangpribadong traysikel na dumaan sa mga national highway sa siyudad hanggang Pebrero 2021 o hanggang maalis na ang pagpapatupad ng social distancing, maliban na lamang kung paiikliin o palalawigin pa ng City Council.
Ayon sa konsehal, sa nakasaad sa Section 55 ng Local Government Code na ang veto power ay ibinigay lamang sa mga punong ehekutibo kaya hindi aniya tama na pirmahan ni Pedrosa.
Ngunit nilinaw ni Maristela na hindi niya kinukwestyon ang hindi paglagda ng Alkalde sa isinumite nilang ordinansa kundi ang proseso lamang kung bakit ibang tao ang lumagda sa veto message.
Sa paliwanag naman ng punong ehekutibo na nakapaloob sa nasabing liham, hindi inaprubahan ang ordinansang nagpapahintulot sa mga traysikel na pumasada o dumaan sa mga pangunahing lansangan sapagkat labag iyon sa mga umiiral na batas at sa mga kautusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
“The City Mayor vetoed Ordinance No. 1062 pursuant to existing laws and memorandum issued by the DILG, allowing tricycles in national highway is strictly prohibited. As such, the Civil Code of the Philippines provides that acts executed against mandatory or prohibitory laws are void,” ang paliwanag na nakapaloob sa liham.
Sa pamamagitan naman ng text message ay nilinaw ni Pedrosa na liham lamang ang kanyang ipinadala sa Konseho at hindi mismo ang veto message.
“Letter lang ginawa ko hindi veto message [kaya] no problem ‘yon. Na-misplace lang ‘yong talagang veto message,” ayon pa sa opisyal.
Kaugnay nito ay iminungkahi rin ni Kgd. Maristela na talakayin sa Committee on Rules and Laws ang nasabing usapin upang hindi na umano maulit pa. Naungkat din ng konsehal na hindi rin dapat humihiling si Mayor Bayron ng isang special session na ang liham ay pirmado lamang ng city administrator bagkus ay siya mismo ang dapat na lumagda.
Sa kabilang dako, kasama rin sa nasabing liham mula kay City Administrator Pedrosa ay ang Resolution No. 603-2020 na naglalayong mabigyan ng pinansiyal na tulong ang Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC). Sa paliwanag, nakasaad na hindi pinirmahan ng Alkalde ang nasabing hakbang dahil nasa ilalim ng DENR ang operasyon ng PWRCC at hindi ng lungsod.