Tinalakay sa Sangguniang Panlungsod ang pagsasara umano sa ilang kalsada sa Puerto Princesa City sa halip na magsilbing barangay control points lamang.
Sa Questions and Answers Hour, tinanong ni Konsehal Jimbo Maristela, Chairman ng Committee on Transportation, ang mga inimbitahang Punong barangay sa virtual session ng City Council kahapon, kung binigyan ba sila ng kapangyarihan na isara ang ilang daanan sa ilang barangay sa halip na gawing barangay checkpoint/control point lamang.
Ayon sa Konsehal, sa impormasyong nakaabot sa kanya, inireklamo ng mga residente ng ilang barangay sa siyudad ang umano’y border control/closure and restriction ng entrance at exit sa kanilang hurisdiksyon at ang iba pang bagay kaugnay ng MECQ.
“Patungkol po ito sa mga narinig nating reklamo ng ating mga kababayan. Sapagkat, it appears, na hindi lang po border/control point ang inilagay, kundi sa katunayan po, isinarado po ang karamihan sa mga lansangan sa iba’t ibang mga barangay at naglagay po ng isa o dalawang entry point at isa o dalawang exit point,” ani Maristela.
Aniya, hindi nakakadaan doon kahit ang APORS, essential workers, at kahit allowed naman ang mga kababayan na bumili ng kinakailangan nilang basic goods and services.
Ipinakita ng opisyal ang mga sariling kuhang larawan sa kanya umanong pag-iikot sa ilang lansangan sa city proper kamakailan.
Aniya, hindi niya sigurado kung mayroong ibinigay na awtoridad ang Alkalde sa mga kapitan ng barangay upang gawin iyon. Sa pagkakaalam niya, walang pinirmahang ganoong kautusan ang Alkade.
‘TRIAL AND ERROR’
Unang tinanong ni City Councilor Maristela si Kapt. Gloria Miguel ng San Manuel ukol dito at bakit pinapaikot pa umano ang mga motorista sa malayong kalsada.
Sagot naman ng Kapt. Miguel, naganap iyon sa unang araw lamang. Aniya, aminado siyang naghigpit sila ngunit kinahapunan ng araw ding iyon ay nakausap niya ang mga tanod na buksan na ang mga daan.
Ang hinigpitan na lamang umano nila ay ang mga wala pang 18 taong gulang at ang 65 pataas. Matapos umano nito ay nakaraan na ang mga APOR at labas-masok na sila.
Ngunit ayon kay Maristela, ang napansin din umano niya, sa entrance at exit na mga kalsada, kahit 15 metro na lamang ang bahay na paghahatiran sa pasahero ay papaikutin pa ang drayber ng traysikel.
Kaya tanong niya, may executive order bang ibinaba si Mayor Lucilo Bayron na nag-aatas na magkaroon ng one way lamang ang kalsadang iyon na alam niyang mga city roads?
“Sa pinakaunang araw po namin, ganoon po talaga ang nangyari kasi ang gusto po sana namin ay isa lamang ang entrance at exit. And nakita naman po ng Council na hindi uubra ‘yong gano’n kaya pagdating ng hapon ay binuksan na rin po namin ang bawat entrance at saka exit namin,” tugon naman ni Punong Barangay Miguel.
Aniya, nagkaroon lamang sila ng trial and error dahil gusto lamang umano nila na mag-concentrate sana sa isang lugar ngunit dahil sa nakita, pagdating ng hapon ay binigyan na niya ng kautusan ang mga tanod na pwede na nilang palabasin at papasukin sa kanilang binabatanyang mga checkpoint ang mga APOR, essential workers, ang iba pang pinapayagan sa guidelines ng IATF sa ilalim ng MECQ.
NAKATULONG SA PAGBABA NG ANTIGEN POSITIVE CASES
Sagot naman ng kapitan ng Brgy. Bancao-bancao na si Gayjun Villarosa, hindi naman nila hinaharangan kundi naglagay lamang umano sila ng isang entrance at isang exit sa kanilang barangay.
“Allowed naman po silang dumaan, maliban lamang doon sa mga isinarado natin,” aniya.
Ipinaliwanag ni Villarosa na sa nakaraang meeting nila noong Huwebes kasama sina Mayor Bayron, City Legal Officer Norman Yap at iba pang opisyales at mga kapitan, tinuran umano ng City Legal na wala namang nakikitang mali sa hakbang nilang iyon.
Ang mga isinarado ay ang Manalo Extension, Abad Santos Extension at circumferential road at ang pwedeng daanan ay sa Rizal Avenue.
Aniya, sa laki ng kanilang barangay ay nagkaroon sila ng pag-reroute sa mga daanan na naging mabisa umano sa pagkontrol sa galaw ng mga tao sapagkat walang nagpositibo sa antigen noong Linggo.
“Siguro, naguluhan lang sila sa simula. Sa ngayon, halos wala na rin pong problema at reklamo,” ani Kapt. Villarosa.
Nilinaw naman ni Maristela na saludo siya sa mga ginagawa ng mga kagawad at kapitan ng siyudad na araw at gabi ay nagbabantay. Ang sa kanya lamang umano ay baka sumobra na sila sa kapangyarihan sa pagsasara ng mga daan na pahirap sa mga mamamayan.
PINAPAYAGAN NG LOCAL GOV’T CODE ANG ROAD REROUTING
Ayon kay Villarosa, naitanong na niya ito kay City Legal Officer Norman Yap at sinabing walang mali sa ginawa nila batay sa Local Government Code na in terms of emergency, gaya sa MECQ ay may karapatan ang barangay na gumawa ng hakbang, depende sa utos ng Alkalde.
Aniya, may iniutos kamakailan ang City Mayor na magtalaga ng checkpoint kaya nagbaba rin siya ng memorandum order sa mga kagawad at tanod, alinsunod sa EO ng Alkalde.
Ngunit kinontra ito ni Kgd. Jimbo Maristela at sinabing may nilabag na batas ang pagsasara ng mga kalsada.
Inihalimbawa niya sa isang pag-iikot niya dakong 7am ay sarado ang Abad Santos Extension at walang tao. Paano na umano kung may emergency. Nakasulat pa umano roon na kung nais gamitin ang daang iyon ay gamitin ang Rizal Avenue na malayo pa sa naturang lugar.
Sagot ng kapitan, may bantay doon ngunit maaaring dahil sa pagod ng mga tanod na nagbabantay ng 7am hanggang 4am ay wala pang nakarating doong bantay. Tiniyak din niyang nakakadaan doon ang emergency cases.
Ipinaabot naman ng Konsehal na nauunawan niya ang mga opisyales ng barangay ngunit may mga hinaing lamang ang mga kababayan lalo na in cases of emergency gaya ng sunog.
Dagdag pa niya, paglabag umano ito sa Local Government Code na nagsasabing bago ang anumang kautusan ay dapat may written order ang alkalde at nakalagay kung aling mga kalsada ang isasara at hanggang kailan isasara ang mga iyon.
Sa ngayon umano ay walang order ang Punong Lungsod at walang order kung aling kalsada ang isasara.
Lubhang nakaapekto lamang umano ito sa mga commuters at sa mga tricycle driver na kinakailangan pang umikot ng isa o dalawang kilometro para makapasok sa entrance ng barangay. Pinatunayan din ito ng TODA president ng San Jose.
PINAPURIHAN ANG PAMUNUAN NG STA. MONICA
Ngunit ang Punong Barangay naman ng Sta. Monica ay sinaluduhan ni Maristela dahil sa kanyang pag-iikot doon ay wala umano siyang masyadong nakitang isinarang kalsada.
Ani Kapt. Ronaldo “Mong” Sayang,
sa kanila ay hindi nagsara ng anumang kalsada kundi naglagay lamang ng barangay control point para masiguro na nasusunod ang minimum health standard.
Accessible umano ang lahat ng mga daan at ang hinahanap lamang sa checkpoints ay mga lumalabag sa minimum health protocol.
Si Kapt. Jocelyn Serna naman ng Brgy. Tiniguiban ay nagsabing nagkaroon din sila ng mga control points at mga entrance at exit.
Aniya, checkpoint lamang din ang naging purpose ng mga iyon at hindi talaga sinara. May pinaka-entrance umano sila sa Pablico Road 1 at sa lahat ng kalsada ay minarkahan nila para sa exit at entrance.
Kapag gabi naman aniya, ang lahat naman ay nakakadadaan sa kanilang mga kalsada.
Ani Maristela, umikot din siya kamakailan sa Tiniguiban at gaya sa Sta. Monica ay pinapurihan din si Kapt. Serna sa maayos umanong pagtatalaga ng control points.
Si Kapt. Gerry Abad naman ng Brgy. Mandaragat ay nagsabing may ginawa lamang silang rerouting ngunit makadadaan naman ang mga tao.
Sa meeting kamakailan kasama ang Punong Lungsod at iba pang opisyal ng City Government, isa umano sa kanilang mga tinanong ay kung allowed ba silang magsagawa ng rerouting sa barangay para lang mapabilis ang monitoring at hindi rin mahirapan sa manpower ang mga tanod.
Aniya, kaunti lamang ang mga tao sa barangay para bantayan 24/7 ang buong lugar sa mga pasaway na lumalabas kahit wala namang importanteng gagawin.
Aniya, sa ngayon, ang New Buncag ay entrance ng kanilang barangay habang exit naman ang Old Buncag.
May hawak naman aniya silang guidelines mula sa City Legal na batayan nila sa mga pwedeng dumaan na hindi pinagbabawal gaya ng mga APOR at hindi lalabas dahil sa barkada o makikipag-inuman lamang.
Dagdag pa niya, batid din aniya ng head ng City Traffic Management Office (CTMO) na si CIO Richard Ligad ang pagpapatupad nila ng one-way scheme.
Ani Kapt. Abad, nakatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko sa kanilang barangay ang iskimang iyon dahil sa makitid lamang ang kanilang mga kalsada nila. Simula rin umano na ginawa ito ay wala pang nagreklamo.
2 PURPOSE NG BARANGAY CHECKPOINTS
Paliwanag naman ni City Legal Officer Norman Brian Yap na siya ring tagapagsalita ng Local IATF, napag-usapan na ang rerouting noong Huwebes sa isang pagpupulong kasama ang ilan sa mga miyembro ng IATF, ang Alkalde, ang Bise Alkalde, City Admin, at ang chairman ng Committee on Health, kasama ang mga kapitan ng barangay.
“Ang purpose ng barangay checkpoints ay dalawa–una sa lahat, matiyak na ‘yong mga motorista at ang mga lalabas ng bahay ay sumusunod sa public health standards at pangalawa, matiyak na kung anuman ang paglabas ng bahay, ‘yong dahilan ay pinahihintulutan sa loob ng MECQ,” aniya.
Dagdag pa niya, ito ay tulad ng mga APORs, pag-access ng mga tao sa goods and services, pagtrabaho sa mga establishment na pinapayagan, at paggawa ng mga aktibidad na pinahihintulutan sa ilalim ng MECQ.
Sa nasabing meeting, sinabi umano ng mga kapitan na hindi nila kayang bantayan lahat ng entry at exit ng kanilang barangay kaya napipilitan na may ilang control point ay one way o magkakaroon ng rerouting.
At para ma-execute ang barangay checkpoint at di mapipigilan, kung ang kaya lamang ay dalawa ay mapipilitan silang mag-detour o mag-reroute sa pangatlong control point.
Iginiit niyang ang objective nito ay upang masunod ang mga minimum health standard at ma-monitor ang mga lumalabas ng bahay sa ilalim ng MECQ.
Nagbigay na rin umano siya ng listahan sa mga barangay ukol sa kung ano ang essential establishment, essential work, at mga travel na walang dudang payagan gaya ng emergency responder at cargo upang maging guide nila.
At binigyang-diin na huwag ding alisin ang “common sense.”
Ayon namna kay Kgd. Maristela, may media na nagpaabot sa kanya na hindi pinapasok sa checkpoint para sa kanyang trabaho gayung kabilang naman siya sa mga APOR.
Ani Yap, palalampasin sa mga checkpoint ang mga media ngunit nilinaw niyang sa rerouting ay walang exemption kahit APOR.
Sa katanungang mayroon bang kapangyarihan ang sinuman na isara talaga ang kalsada sa kasalukuyang sitwasyon, tinuran ng abogado na mayroon lamang rerouting at hindi talaga closure ang ginawa. Aniya, may isang way na hindi nagagamit at may isang way na hindi nagagamit.
At kung igigiit umano ng Konsehal na ito ay road closure, sa pag-aaral ay mababasa aniya sa Section 21 (c) ng Local Government Code na in case of actual case of emergency ay pwede ang road closure bagamat hindi umano iyon ang ginawa kundi rerouting lamang.
Ngunit ayon pa sa chairman ng Committee on Transportation, kung magkagayon ay kailangang may written order ang chief executive at nakasaad kung anong mga kalsada ang isasara at hanggang kailan isasara.
Sagot naman ni Yap na may memorandum order last week na inilabas ang Alkalde kamakailan para sa mga barangay official.
Giit naman ni Maristela, hindi lamang sana umano tingnan Ito base sa batas kundi kung may rason ba ang pagpapatupad nito. Gaya na lamang ng hirap ng ilang commuters o drayber na umiikot ng halos isang kilometro upang makapasok sa barangay gayung malapit lang sana kung walang road closure.
Ani Yap, ikokonsidera nila ito bagamat iginiit niyang kaya gumagawa ng mga paraan ang mga kapitan ay upang maabot ang nabanggit niyang dalawang objective ng MECQ.
Humingi naman ng paumanhin si Maristela dahil batid niyang abala rin ang City Legal Officer ngunit ito aniya ay para lamang sa kabutihan ng mga kababayan.
Sa katanungan namang kung matapos ang dalawang linggo ng MECQ ay palalawigin ba ay hindi Ito masasagot sa ngayon ng City Legal.
‘WALANG MAY GUSTO NITO’
Ngunit siya umano ay ayaw niya ng lockdown ngunit ang MECQ, kasama siya sa mga bomoto ng MECQ dahil kailangang tugunan ang pag-akyat ng kaso ng COVID sa Puerto Princesa.
“Sana po naunawaan din ng mga kababayan natin na hirap po talaga ‘yong lockdown, walang may gusto nito. Kaso kailangan, base sa mga nangyayari na hindi pa rin talaga bumababa ang [ating mga] kaso [ng COVID-19],” ani Yap.
Para naman kay ABC Federation President Kokoy Francisco na kasalukuyang kapitan ng Brgy. San Pedro, “Ang kailangan sa barangay ay pang-unawa, suporta.”
KOMENTO NG ILANG KONSEHAL
Sinaluduhan naman ni Kgd.
Roy Ventura ang mga opisyales ng barangay sa pagtugon sa atas ng Punong ehekutibo.
Nagpasalamat siya sa Pamahalaang Panlungsod sa ibinigay na P10,000 ayuda sa mga checkpoint bawat linggo upang pambili nila ng kape, gatas, asukal, at bigas, tinapay.
Sa pagsasarado ng kalsada, ang opinyon umano niya ay walang pinagkaiba ito sa one-way scheme na kahit nakikita ang bahay mo sa tabi ng entrance at exit ay kailangan mo pa ring iikot. Inihalimbawa rin niya ito sa subdivision na mayroong main gate.
Panawagan niya sa mga mamamayan na kaunting tiis lang dahil saglit lamang naman ito at matatapos na sa Hunyo 15.
Nagdedisyon ang IATF na isailalim ang siyudad sa MECQ. Malaking tulong ito kaya hiling niya sa mga drayber na sumunod na lamang muna.
Pakiusap niya, kaunting tiis lamang para sa mas magandang patutunguhan ng siyudad.
Suportado naman ni Konsehal Nesario Awat na mapababa ang positive cases sa antigen at RT-PCR sa siyusad.
PINARINGGAN SI MARISTELA
Para naman kay Kgd. Herbert Dilig, sana maunawaan din na kaya may 15 days na MECQ ay dahil sa unusual na ang taas ng COVID-19 sa siyusad kaya kalakip nito ay ilang hakbang.
Bilang isang abogado gaya nina Maristela at Awat, tinuran niyang may kapangyarihan ang Local Government Units na mag-impose ng stringent limitations sa movement ng mga tao gaya ng panahon ng MECQ ngayong COVID-19 pandemic.
Pinaringgan din niya si Maristela na kung walang ordinansa ay may nilabag ba ang mga kapitan na ginagawa lamang ang kanilang trabaho at kung magkagayon ay
willing ba siyang kasuhan sila.
“Hindi po ito laban ng mga gobyerno sa siyudad, hindi po ito laban ng mga politician. Laban ito ng lahat ng mga mamamayan!” aniya.
Aniya sa tanong na tama bang isara ang mga daan ay sinabi niyang tama “Dahil nais nating ibaba ang kaso ng COVID” sapagkat hindi natin maihiwalay ang ukol sa daan sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Sinuportahan din niya ang kapitan ng Bancao-Bancao na nagsabing malaking tulong ang pagsara ng ilang lansangan upang mababa ang COVID cases na paulit-ulit aniyang sinabihan ni Maristela na huwag muna iyong pag-usapan kundi tama bang isara ang daan.
Panawagan niya sa mga tagasiyudad na maintindihan na lamang ang pamahalaan at makiisa para tuluyan nang makaalpas ang siyudad sa dinaranas na paghihirap sa kasalukuyan dulot ng pandemya.