Ipinaliwanag ng Puerto Princesa City COMELEC na wala silang kapangyarihan o patakaran para pigilan ang mga tao na gusto pumasok sa City Coliseum. Pero malinaw umano na pagbukas ng kanilang opisina, kung sino ang nakita nila sa upuan na nais magparehistro ay yun ang mabibigyan ng number.
“Wala kaming ganung policy [na may matutulog sa labas ng COMELEC para mauna sa pila]. Actually, yung pagpapapasok ng tao sa coliseum ay wala kaming control, that is under the control of the City Coliseum Management. Kasi kami pumapasok before 8 [am], yung iba pala gabi pa dumating. Eh wala kaming alam doon, basta’t sila ang nakita namin pagbukas ng office hours kung sino nakita namin nakaupo diyan sa mga upuan na yan with markings yun ang bibigyan namin ng number,” pahayag ni Atty. Ferdinand T. Bermejo, City COMELEC Officer.
Ayon naman sa City Government, hindi pinahihintulutan ang sinuman na matulog sa loob ng City Coliseum at nananatili itong bukas sa gabi para lamang sa mga empleyado na may mga opisina sa lugar.
“Walang natutulog doon [sa City Coliseum], bawal matulog doon ang puwede lang na nandodoon ay mga nasa emergency natin, yung mga IMT (Incident Management Team), yung mga empleyado na madaling araw gumagalaw, yung Oplan Linis. Baka sa labas ng Coliseum, sa premises siguro [natutulog] dahil hindi naman natin kontrolado yun,” pahayag ni Richard Ligad, City Information Officer.
Maaalaala na noong Miyerkules, Pebrero 17, ay nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa ilang mga nais magparehistro sa COMELEC dahil lumampas na sa bilang ang mga nakapila. Ang ilan kasi sa mga ito ay sa City Coliseum na umano natulog.