City News

Palakasan sa pagkuha ng health card, pinasinungalingan ng Puerto Princesa City Health Office

By Gilbert Basio

January 14, 2021

Humingi ng pang-unawa si Dr. Ma. Teresa Wycoco ng Puerto Princesa City Health Office kaugnay ng mahabang pila sa pagkuha ng health card. Aminado ito sa pagkukulang, ngunit ang kakulangan umano ng tauhan ay bunsod ng nararanasang pandemya ng COVID-19.

“Sorry, ginagawan naman po ng paraan pero sana po ay maintindihan din nila (kaugnay sa mahabang pila sa health card), by heart alam namin kung papaano kami magbigay ng services…Tatlo lamang kami doctor na nandito ngayon dahil ang iba nating Doctor at nurses ay keni-cater po ang ating COVID sa iba’t ibang dako po ng Puerto Princesa.” ani Dra. Wycoco.

Maingay na naging usapin sa social media ang mga larawan ng mahabang pila sa pagkuha ng health card. Ayon pa sa ilan, hindi akma na sa labas pa ng Puerto princesa City Health Office tila hindi nasususnod ang social distancing.

Nilinaw rin nito na walang palakasan sa pagkuha ng numero sa health card. At sa usapin na may ibang kumukuha ng health card na sa labas na ng City Health Office natutulog, wala na raw silang magagawa dahil kagustuhan ito ng mga nais mauna sa pila.

“Actually hindi po naming masasakop yung kagustuhan nila [matulog o gabi pa lamang ay nandito na], ayaw man po naming mangyari pero kung baga choice po nila yun para mauna, pero ano po ang gagawin natin di naman naming mahati ang sarili namin para doon, sana maintindihan din nila na first come first serve,”

“May guwardiya po tayo pangmagdamagan pero hindi po sila masyadong may alam para po doon sa ating proseso sa loob, hinihiram po natin ito sa ibang department, usually ang aming guwardya dumadating ng 5[am], may number po yan kaya kailanga physically present yung nandito kung sino may hawak ng numbers sila po ang maca-cater,”

Ayon pa kay Dr. Wycoco, simula kanina ay itinaas na nila ang bilang ng mga maaasikaso ng kanilang tanggapan. Hinikayat din nito ang ilan na sa ospital o mga clinic kumuha ng iba pang mga requirements para mas mapabilis ang pagproseso ng kanilang health card.

“Ngayon po ay renewal ng lahat, so ngayon nag increase kami sa 100-120 depende po yan sa dami din papasok na regular na ating mga services…Ang health card po ay i-cater namin Monday, Wednesday and Thursday kasi ang Tuesday at Friday ay nakalaan po yan sa consultation days which are mga pasyente natin po ang paglalaanan natin ng services,”

“Requirement po, ngayong inaalis na po ang barangay certifications para mas mabilis at sana po para mas mabilis po tayo dito kasi iilan lang po ang sa laboratory natin, puwedi po silang magpakuha ng laboratory sa labas o mag pa x-ray sa labas dalhin lang po ang mga resulta,”

Dagdag pa ng Doktora na maaga pa lang ay nagsisimula na sila ng kanilang tungkulin sa City Health Office.

“Bago mag alas 8 start na po ang triage so separate na po namin for now yung regular services at yung nasa labas na nakita nyo na maliit na kwarto yung triage yun po lahat sa health card na darating dito. Sa loob lahat po yan mga regular services natin na pang araw-araw,”