Aerial View of Puerto Princesa Bay (Baywalk) Photo from lsgardenvilla.com

City News

Pamilya ng naunang nagpositibo sa COVID-19 galing Cuyo, positibo rin sa virus

By Diana Ross Medrina Cetenta

September 26, 2020

Inanunsiyo ng Incident Management Team (IMT) ng Puerto Princesa na positibo rin sa COVID-19 ang asawa at anak ng lalaking mula sa Bayan ng Cuyo na naunang nagpositibo sa nasabing virus nang i-swab sa Ospital ng Palawan (ONP) kamakailan.

Sa COVID-19 Update ng City Information Department ngayong araw, ipinabatid nina IMT Incident Commander at Assistant City Health Officer, Dr. Dean Palanca  at IMT Safety Officer, Dra. Fi Atencio na nahanay na sa COVID-19 confirmed active cases sa siyudad ang nasabing mga indibidwal.

Ani Dr. Palanca, na-swab ang 27 taong gulang na anak na babae ng nasabing pasyente noong Sept. 23 habang ang kanyang 67 taong gulang namang kabiyak ay na-swab test kahapon, Sept. 25. Hinabol umano nilang maisama sa mga makunan ng specimen ang asawa ng lalaki, kasabay ng 14 na iba pang nasa listahan ng mga close contact at kapwa lumabas sa resulta na kumpirmadong carrier din sila ng nasabing sakit habang ang 14 naman ay nagnegatibo.

Sa kasalukuyan ay nasa mga isolation area ng ONP ang tatay at anak habang ang nanay naman ay sa isolation facility ng siyudad. Lahat naman umano sila, bagama’t inuubo, ay nasa mabuti namang kalagayan at nagpapatuloy ngayon sa pagpapagaling.

Nilinaw din ng pinuno ng IMT na kahit negatibo ang resulta ng swab test sa 14 na mga indibidwal ay hindi pa rin sila pakakampante. Mananatili aniya sila sa quarantine facility sa loob ng dalawang linggo upang ma-monitor kung kakikitaan ng mga sintomas na kung magkagayun ay isasailalim muli sa swab test.

Sinusugan naman ito ni Dra. Atencio at ipinaliwanag na posible ring wala pang sintomas sa ngayon dahil tatlong araw pa lamang ang nakararaan simula nang sila ay ma-expose sa COVID-19 patients kaya mahalagang matingnan sila sa loob ng incubation period.

Masaya ring ibinalita ng mga opisyal na sa 92 na sakay ng Montenegro noong Setyembre 21 ay nasa pasilidad na ang 72 katao  at hawak  na ng Monitoring and Surveillance ng lungsod at tanging  20 indibidwal na lamang ang hinanap. Nagpapatulong na rin umano sila sa mga kapitan ng mga barangay upang mas mapadali silang matunton.

At upang maiwasan ang local transmission, sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang isinasagawang contact tracing sa tinirhan ng mga mula sa Cuyo sa Brgy. Tanglaw, sa sinakyan nila papunta sa ospital at inaalam din kung sinu-sino ang tumulong sa kanila sa pagdadala ng pasyente sa pagamutan.

Naipabatid na rin umano sa Lokal na pamahalaan ng Cuyo ang update nang sila rin doon ay makapagsagawa ng contact tracing at upang ma-establish kung mayroon na rin ba silang community transmission sa kanilang munisipyo.

Samantala, lubos na nagpapasalamat si Dr. Palanca sa City DILG sa mga ibibigay nilang contact tracers na nakapagtapos na rin ng pagsasanay kahapon. Aniya, malaking tulong ito upang tugunan ang kakulangan nila sa mga taong kikilos para sa COVID-Response.

“Ang 200 plus po na contact tracers na ‘to ay mahihiwa-hiwalay para sa mga trabaho nila kung sakaling mai-integrate natin sila dito sa ating Incident Management Team o sa kung saan pang team natin sila mailalagay para lalong mapabuti, mapaganda, mapaayos namin ‘yong ating serbisyo sa pag-response sa  pandemya na ‘to na  sigurado naman kami na hanggang next year ang problemang ito….,”  ani Palanca.