New Public Market in Barangay San Jose, Puerto Princesa City

City News

Pamunuan ng pamilihang bayan sa Lungsod ng Puerto Princesa, iminungkahi ang karagdagang personnel na magbabantay

By Gilbert Basio

April 16, 2021

Nagpadala na ng request kay City Administrator Arnel Pedrosa ang pamunuan ng Public Market at Puerto Princesa Land Transport Terminal (PPLTT) upang madagdagan ang kanilang tauhan na magbabantay para masigurong nasusunod ang ipinatutupad na minimum health standards.

“Mayroon tayong komunikasyon sa ating City Administrator na humihiling ng personnel from CSWD (City Social Welfare and Development) as well doon sa ating Pambansang Kapulisan. Ang CSWD, is para ipaintindi sa mga tao yung pagdadala ng kanilang mga anak sa labas ay inilalagay nila [kapahamakan] ang mga ito, sila ay mayroong pananagutan sa bagay na yan.”  Joseph Vincent Carpio, Market Superintendent at Program Manager ng Puerto Princesa Land Transport Terminal (PPLTT).

Ipinalawanag din ni Carpio kung bakit kailangan ang karagdagang personalidad sa pagpapa-alala at pagsaway sa mga tao sa ipinaiiral na health protocols, particular na sa mga magulang na nagdadala ng bata sa palengke.

“Yung sa CSWD ay para ipaintindi lang sa mga tao na sila ay may pananagutan sa mga bagay na paglalagay ng kanilang mga anak sa peligro by yung pagdadala nila nito sa labas na hindi naman dapat. Sa ating kapulisan naman ay mag-mediate lamang sila.”

Nalulungkot umano ang pamunuan ng terminal at ng pamilihan na kailangan pa itong gawin dahil sa kapansin-pansin ang paglabag ng ilang mamamayan sa lungsod.

“Masakit isipin na kinakailangan pa ng ganyang mga tao para lang sumunod, hindi na tayo mga bata, alam na natin ang tama at mali. Dapat sana yang mga resources natin ay hindi na masayang diyan at mailagay na natin sa ibang kailangan pa.”

“Actually nagbigay tayo ng tagubilin sa ating mga tao at yung nga sabi natin ‘i-implementa at i-practice talaga, i-monitor ang mga [ipinapatupad] na minimum health standard, kaya lang nakakalungkot [mayroong hindi parin sumusunod]. Ito ay hindi kaya ng ating pamahalaan lang, hindi kaya ng isang tao ito…kailangan natin dito tulong-tulong,”

Ayon naman kay Marie ng Barangay San Jose, tama lamang na magdagdag nang magbabantay o magpapaalala sa mga mamamayan nasa palengke at terminal dahil likas sa ilan ang hindi sumusunod umano sa panuntunan ng pamahalaan lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Nakakainit ng ulo kasi yung mga matatanda at mga baby, sana bilang magulang pahalagahan mo ang kalusugan nila kaso para yung ilan sila pa ang tumutulak na mapahak ang kanilang anak. Kailangan talaga [mayroong pulis at CSWD sa palengke at terminal], nakakahiya kasi na may mga tao na hindi sumusunod sa simpleng protocol, gaya ng pagsuot ng facemask, face shield. Mayroong facemask pero nakalagay sa baba.”

“Doon na tayo sa ilan na hindi naniniwala sa COVID, pero sana respetuhin din ang paniniwala ng iba.”