City News

Pananambak sa natural na daanan ng tubig sa Brgy. Irawan, tinalakay sa Konseho

By Diana Ross Medrina Cetenta

November 10, 2020

Masinsinang tinalakay sa Sangguniang Panlungsod kahapon ang hinaing ng mga residente ng Barangay Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa, Palawan ukol sa pagbaha ng kanilang lugar dahil sa tinambakan umanong natural na daanan ng tubig.

Napag-usapan ang isyu sa Question Hour sa regular na sesyon ng City Council base sa kahilingan ni Kgd. Nesario Awat, Chairman ng Committee on Legal Matters.

Sa talakayan, pinatotohanan ni Kapt. Noel Resuma ng Brgy. Irawan na natural water way ang bahaging natambakan sa kanilang barangay. Sa katunayan aniya, tuwing umuulan ay kawawa ang mga mamamayan ng Purok Pag-asa at Purok Maunlad dahil sila ang lubos na apektado.

Susog naman ni Engr. Kenneth Alcala, kinatawan ni City Engineer Alberto Jimenez, natural na daluyan ng tubig ang lugar na tinambakan sa ginagawang Tañedo Subdivision sa barangay batay sa isinagawa nilang inspeksyon.

Nang tanungin ng Konseho kung ano ang dapat na hakbang sa suliranin, ang rekomendasyon ng City Engineering Office ay kung anuman ang laki ng existing na creek sa unahan nito ay ipanatili ang laki ng bungad nito na sa ngayon ay nahaharangan na.

Photo taken by Diana Ross Medrina Cetenta

Mariin namang itinanggi ng may-ari ng Tañedo Subdivision na si Ricardo Tañedo na natural water way ang nasabing lugar. Iginiit rin nito na wala ring dumadaloy na tubig kahit tuwing tag-ulan.

Sa kabilang dako, kaugnay nito ay apat na magkakaugnay na resolusyon ang inaprubahan ng City Council hinggil sa usapin na pagharang sa mga natural na daraanan ng tubig o waterways.

Isa rito ang Resolution No. 898 na inihain ni Kgd. Victor Oliveros, majority floor leader ng City Council, na may layong paalalahanan ang City Building Officials na requirement ang proper reclassification ng kalupaan na nakasaad sa Local Government Code bago ang pagpapalabas ng permit para sa Tañedo Subdivision Project, alinsunod sa RA 1067 o ang “National Building Code of the Philipines.”

Kabilang din ang Resolution No. 899 na inihain pa rin ni Oliveros, kalakip ang amendment ni Kgd. Roy Ventura na humihiling sa City Building Officials na tanggalin ang lahat ng mga nakaharang sa mga natural water way, partikular sa area ng Tañedo Subdivision.

Ganoondin, kalakip din dito ang Resolution No. 900 na mula naman sa mungkahi ni Konsehal Herbert Dilig na humihiling sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na irebyu, i-evaluate o amiyendahan ang kanilang Revised PCSD Administrative Order No. 6, s. 2014 o ang “Revised Guidelines in the Implementation of the SEP Clearance” upang taasan pa ang penalty sa hindi pagkuha ng SEP Clearance bago magsimula ng konstruksyon sa lungsod at lalawigan mula sa halagang ₱50,000. Binigyang-diin pa ng Konseho na nakagawian na sa siyudad na saka pa lamang kukuha ng SEP Clearance ang isang proponente kapag nakapagsimula na ito ng konstruksyon.

Kabilang din sa kanilang inihain ay ang Resolution No. 901 na nag-aatas sa mga barangay na huwag munang magpalabas ng endorsement nang walang “full, prior and complete” na pagsunod sa mga national law, administrative issuances, at city ordinances.

Ang kahilingan naman ni Kgd. Awat na magbigay ng mas mahigpit na parusa sa sinumang lumabag sa City Zoning Ordinance kaugnay sa pagbibigay ng building permit sa Lungsod ng Puerto Princesa ay ipinadala sa Committee on Legal Matters upang masinsinang matalakay.