Sa ordinansa na Tree for Food na pinapanukala ni City Councilor Atty. Nesario G. Awat, ay isinusulong ang pagtatanim ng mga fruit trees dito sa lungsod ng Puerto Princesa upang mapunan ang pangangailangan ng pagkain at matugunan din ang kakulangan ng prutas sa mga pamilihan.
Ang lalawigan ng Palawan, bilang isang pangunahing tourism destination ay patuloy na tumataas ang pangangailangan ng supply ng pagkain, tulad ng mga prutas.
Ayon sa Department of Agriculture-Palawan Agricultural Experimentation Station (DA- PAES) na ang karamihang mga prutas tulad ng rambutan, lanzones, at iba pa na mabibili sa mga pamilihan dito sa Lungsod at sa mga iba’t ibang bayan ng Palawan ay nangagaling pa sa Mindanao tulad ng Davao, samantalang ang pakwan at iba pa ay galing sa Iloilo.
Ayon kay City Councilor Awat na napapanahon na bigyan ng insentibo ang mga magsasaka at mga may ari ng lupain kung sila ay magtatanim ng mga prutas sa kanilang mga lupa. Ang insentibo sa pamamagitan ng bawas sa kanilang bayarin sa buhis ng lupa ay maituturing ng malaking bagay at maghihikayat sa maraming magsasaka na mag-establish o magsimula ng plantasyon sa kanilang lupa.
Paliwanag ni City Councilor Awat na ang Puerto Princesa ay isang tourism destination kung saan mataas ang demand ng mga pagkaing prutas na kinukuha pa mula sa iba’t ibang lugar dahil sa kakulangan ng supply dito sa Lungsod at mga bayan sakop ng lalawigan ng Palawan.
Ang Lungsod ay may mga malawak pa na lupaing pang-agrikultura na maaring tataniman ng mga iba’t ibang bungang kahoy na magbibigay ng supply ng prutas na kakailanganin at ito rin ay magsisiguro na hindi kukulangin ang mga pamilihan kung may sapat na pagkukunan na dito mismo sa lungsod ng Puerto Princesa. Ang maaring pagtaas ng supply o pagkukunan ng mga prutas dito mismo ay magiging dahilan ng pagbaba ng presyo ng mga prutas.
Kasama sa mga prutas sa Tree for Food ordinance ang Lanzones, Rambutan, Durian, Langka at iba pang mga bungang kahoy. Para sa pagsali sa programa ng Tree for Food ay kailangang pumunta at makikipag-ugnayan ang isang may-ari ng lupa o isang magsasaka sa City Agriculture’s Office upang ilatag ang kaniyang farm plan na a-aprobahan ng City Agriculturist. Kung ang magsasaka ay walang punla (seedlings) o kulang ang kaniyang mga punla ay bibigyan sila ng mga punla o fruit tree seedlings na galing sa tanggapan ng agrikultura ng Lungsod.
Magkakaroon din ng monitoring sa mga gagawing plantation ng mga fruit trees para pagsiguro sa mataas na survival rate o pagkabuhay ng mga bagong itatanim na mga fruit trees.
Discussion about this post