Isang malaking hamon ang kinahaharap ng mga guro at mga magulang kaugnay ng “new normal” na pamamaraan ng pagtuturo, ngayong unang araw ng pasukan.
Ayon kay Sta. Monica Elementary School Principal Ferdinand A. Lagrada at tumatayong Presidente ng Philippine Elementary School Principal Association (PESPA) Puerto Princesa City Chapter, nangangapa pa sila ngayon kung paano matutulungan ang mga magulang sa pagtuturo sa mga bata.
“Kasi iba po ang face to face kaysa rito sa modular, hindi mo nakikita, number 1 ngayon paano aayudahan ng magulang ‘yung ibinibigay naming modules-kung paano nila i-assist o i-guide, kung papaano nila ituturo – doon kasi ang magulang na ang parang naging guro ng kanilang mga anak,” pahayag ni Lagrada.
Paliwanag pa nito, hindi kagaya sa face to face na pwedeng ipaiwan muna ang bata sa classroom, remedial ng kaunti at bigyan ng kaukulang atensyon ng guro para madaling matuto.
Ipinaalala rin ni Lagrada, na sana maging matapat ang mga magulang sa mga pagsusulit na kanilang ibinibigay ng sa gano’n ay masubukan ang kakayanan at natutunan ng mga bata.
“Be honest naman kung meron key to correction na nakasama dyan sa modules ay ‘wag nyo muna sagutan, i-test din natin ang ating mga anak kung hanggang saan ang kakayanan nila-mahirap din na hindi mo muna pinaisip ang bata kung papaano nya sagutan.”
Mahirap din umano sa parte ng mga guro ang paraan ng pagtuturo ngayon dahil hindi lamang nagtatapos ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng module kung ‘di magsilbi ring gabay sa mga magulang lalo na may mga bagay na kailangan sa pagtuturo sa mga bata.
“Talagang mabigat sa part naming hindi ibig sabihin na kami naging guro na ah bahala na kayo, ang sa amin ang iniintindi namin kung ano ang development ng bata sa binigay naming modules kung natuto sila hindi,” ani Lagrada.
Ayon kay Lagrada, tungkulin umano ng mga guro na siguruhing may patutunguhan ang pinaglaanan ng pondo ng bayan.
“Syempre target namin kailangan matuto sila, sayang ang panahon na magbibigay ng modules, ginastusan ng gobyerno tapos pagdating ng oras wala ring saysay.”
Dagdag pa ni Lagrada, handa naman daw umanong magbigay ng technical assistance ang mga guro sakaling magka-aberya o hindi kaya’y magkaroon ng problema sa pagtuturo sa mga bata.
“Ang guro ang magbibigay ng technical assistance doon o di kaya ay i-text nila ang guro o tawagan nila –kaya ang mga guro ay kailangang ready dyan sa classroom nila, although mayrong order na skeleton force pero sa panahon ngayon ‘wag muna kasi under observasion natin ang unang week,”
May mga group chat umano ang bawat adviser sa mga magulang ng kanilang mga estudyante, kung ang isang magulang ay hindi maunawaan ang nasa modules pwede silang mag-chat, text o tawagan ang adviser ng anak para maipaliwanag sa kanila.
Posibleng maging problema at pinagtutuunan ng pansin ay ang mga working parents kung saan pag-uwi na sa trabaho nagkakaroon ng atensyon sa kanilang mga anak. Dahil dito hinihikayat ang mga guro na dapat laging bukas ang kanilang cellphone.
“Mga working parents baka maalalayan nila ang yung mga anak nila after 5, syempre papasok ng 8 oclock uuwi o baka hindi pa uuwi ng tanghali 5 oclock nila matuturuan, doon ang oras na magkakaroon ng communication ang magulang sa guro-kahit lampas na sa 5 ng hapon dapat bukas lang lagi ang kanilang mga cellphone, hindi pwedi ma low bat, hindi pwede mawalan ng load.
MENSAHE
Hiniling ni Lagrada ang pakikipagtulungan ng mga magulang para masiguro ang maayos na kinabukasan ng mga mag-aaral.
“Nasa sa inyo pong mga kamay mga magulang ang karunungan ng inyong mga anak dahil kung wala po kayo ay hindi natin sila mabibigyan ng magandang kinabukasan, kami po ay handa na mag asiste kung ano ang maaaring maitulong na mga guro,”