Ibinuhos ng isang ginang sa social media ang kanyang sama ng loob laban sa mga Traffic Enforcer ng Puerto Princesa dahil hindi pinagbigyan ang kanyang nakatatandang kapatid, na hirap na sa paglalakad, na maihatid ng traysikel at tumawid bahagya ng national highway patungo sa tahanan ng kanilang kapatid.
“Grabe iyak ko rito (crying emoji), parang di na rin makatuwiran ‘yong pamamalakad ng Puerto Princesa City [Government].”
“Galing kami sa hospital, hirap lumakad ang kuya ko dahil namamaga [ang] mga paa n’ya, mays akit s’ya. Tapos nakikiusap kami na pahatid lang sa tricycle sa bahay [ni] ate ko, malapit lang naman sa may PS Bank lang; papasok pa kasi [ang] bahay nila, di talaga kami pinayagan (crying emoji),” ani Ann Ayah Francisco Cacatian sa kanyang post kahapon.
Tanong pa niya, ito ba ay dahil sila ay mahirap lamang at walang four wheels na sasakyan na pinapayagang makatawid sa national highway”
“Kaya kahit halos mamamatay ka na, hirap ka nang lumakad, pipilitin ka nilang palakarin.”
“Papano ‘yan bukas, babalik kami sa doktor, maglalakad na naman kami papunta sa may Palawan Poultry para lang makasakay ng tricycle at makapunta ulit sa ospital! Maawa naman kayo sa mga mahirap. ‘Di naman kami makikiusap kung kaya naming lumakad (insert crying emoji),” aniya.
Sa shared post naman ng isang miyembro ng Batang Puerto Princesa (BPP) page, lubos na nakisimpatya ang mga taga-lungsod sa karanasan ng magkapatid at kabilang sa mga nagalit sa naturang mga traffic enforcer ay si Kgd. Jimmy Carbonell na isa rin sa mga miyembro ng BPP.
“Dapat bigyan ng leksyon ang mga ‘yan. Di nila alam ang kanilang tungkulin — ‘pag emergency, pwedeng pumasok [ang] mga traysikel patungo ng ospital! Dapat d’yan sa mga ganyan, sibakin. CIO [Richard] Ligad, napapansin natin, may mga ilang bogok na miyembro ng ating City Traffic Enforcers na di ginagamit ang kanilang puso o sentido komon kung mayroon man sila,” ani Carbonnell.
Nakiusap pa ang konsehal na magtulungan ang lahat na idokumento “ang kanilang kapalpakan para iparating natin sa kinauukulan para mabigyan ng tamang aksyon.”
“Ito po ay nakakasira sa magandang imahe ng lungsod, lalo na sa panahon ng pandemya,” dagdag pa niya.
“Ang pagpapatupad ng batas ay ginagamitan din ng puso, damdamin at konsiderasyon sa mga sitwasyong kailangang-kailangan lalo na kung ito ay nasa mga ganyang sitwasyon. Nasa ordinansa ‘yan,” giit pa ng opisyal.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang Pamahalaang Panlungsod bagamat sa update na ibinigay ni Cacatian, sa pagbabalik nila sa ospital ngayong araw ay pinagbigyan na sila ng mga traffic enforcer na makasakay ng tricycle.
“Nagpa-meeting na raw po agad si CIO. Kaya nagpapasalamat po kami kay CIO Ligad po sa agarang aksyon,” turan niya.
“Mas komportable po kasi [ang] pasyente po sa trike kasi mababa po, di hirap sumakay at bumaba,” ayon pa kay Cacatian.