Naniniwala ang Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) na malabo nang matukoy ang ‘Patient Zero’ kaugnay ng kasalukuyang local transmission ng COVID-19 sa lungsod. Isa mga nahawa rito ay ang pumanaw na 82-anyos mula sa Barangay San Jose na itinuturing na ‘index patient’ kaugnay ng nararanasang local transmission.
“Ang patient zero ay maaaring malaking porsyento na hindi na natin makikita. Kasi, nakita po namin sa mga history po ng mga nagkakasakit eh second week…[o] third week pa lang ng January ay mayroon nang sintomas ang ilan sa mga sabi nga natin na nag-positive [sa COVID na sakit].” Ayon kay Dr Dean Palanca, IMT Commander, sa panayam nito kahapon sa programang Boses Ng Palawan.
Aniya, posibleng may COVID-19 ang ‘Patient Zero’ noong huling linggo ng Disyembre 2020 hanggang unang linggo ng Enero 2021. Nakahawa ito ng mga nakasalamuhang tao dahil hindi ito nagpakonsulta sa doktor nang makaramdam ng sintomas ng nasabing virus.
“Hindi nga lang siguro nakapag-seek ng medical help. Kasi akala nila is mga trangkaso-trangkaso lang. Kung meron man patient zero, maaaring nasa first week palang ng January o kung hindi [ay] noong patapos po ang ating taon [2020] o mga December [ay] doon siya naging active. Maaaring nakahawa during the last week of December hanggang dito sa first week po ng January.”
Dagdag pa nito na hindi na matutukoy pa ang indibidwal na dahilan ng pagtaas ng local cases ng COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa dahil inaasahan na magaling na ito sa sakit.
“So ngayon, si Patient zero siguradong magaling na magaling na yun. At kung saan man siya ngayon, eh hindi natin alam. Kaya lang, yung damage na nangyari ay napakalaki at yun nga, sa kasamaang palad [ay] nakapatay pa po ng isang indibidwal [index patient].”
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang contact tracing at surveillance sa mas malawak na lugar kasama ang Brgy. San Jose, Hall of Justice at Palawan State University (PSU) Main Campus. “May mga surveillance na ginagawa natin ngayon. Mayroon tayong contact tracing pero hindi ganun kalaking contact tracing ang ginagawa natin [kasi] more on tayo dito sa surveillance. Ibig sabihin ng surveillance [ay] gumagawa kami ng mga Rapid Diagnostic Testing [o] Antibody RDT sa individuals na nagtatrabaho po dito sa dalawang facilities natin [sa] Main PSU [campus] at saka sa Justice Hall.”
“Right now, dire-diretso pa naman tayo gumagawa ng contact tracing. Hindi man sa case ng [Brgy.] San Jose [pero] sa ibang case pa rin… Pero dito sa San Jose alam naman natin na yung mga cases medyo bumaba na ngayon so hindi na parehas ng dati na maraming-marami kinakausap yung ating contact tracers sa iba’t ibang mga pamilya [at]…”
Panawagan ng IMT, kung makaramdam ng sintomas ng COVID-19 na sakit ay agad magpakonsulta o makipag-ugnayan sa tanggapan ng IMT.
“Ang importante lang naman kasi maliban lang sa tulong ng ating community ay yung mga individual po na nagkakaroon ng symptoms ‘no like may ubo, sipon, kung may sakit ng lalamunan, tapos lalong lalo na pagnasamahan ng pagkawala ng pang amoy at kung wala ng panlasa [at] naka dalawang araw na na ganun pa rin ang kaniyang nararamdaman eh wag niyang patagalin [at] magpakonsulta agad sa mga doktor o kung hindi [ay] tumawag din po sa ating COVID Hotline [dahil] nandiyan naman po yan sa IMT Facebook page.”
Samantala, nasa 203 na ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod. 39 dito ay aktibong kaso, 2 ang binawian ng buhay at 162 ang gumaling mula sa sakit